| “Binuhay
kayong muli, kasama ni Cristo, kaya’t hanapin
ninyo ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni
Cristo na nakaupo sa kanan ng Diyos.” (Col 3:1)
Ang
mga katagang ito ni San Pablo sa mga mamamayan ng Colosas
ay tungkol sa isang mundo kung saan naghahari ang tunay
na pagibig, may lubos na pagkakaisa, katarungan, kapayapaan,
kabanalan at kaligayahan. Doon, ang kasalanan at katiwalian
ay hindi na makakapasok. Ito ay isang mundo kung saan
ang kalooban ng Ama ay ganap na tinutupad. Nabibilang
si Jesus sa mundong ito. Binuksan Niya ito sa atin sa
pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay, sa pagtawid
Niya sa mabigat na pagsubok ng Kanyang paghihirap.
“Binuhay
kayong muli, kasama ni Cristo, kaya’t hanapin
ninyo ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni
Cristo na nakaupo sa kanan ng Diyos.” (Col 3:1)
Sa
daigdig ni Kristo, ayon kay San Pablo, hindi lamang
tayo tinawag kundi tayo ay sadyang kabilang na. Naniniwala
tayo na sa pamamagitan ng binyag tayo ay naka-ugnay
na sa Kanya. Dahil dito. tayo ay nakikibahagi sa Kanyang
buhay, sa Kanyang mga handog, sa Kanyang pamana, sa
Kanyang tagumpay sa kasalanan at lahat ng puwersa ng
kasamaan. Ang totoo, tayo ay muling nabuhay kasama Niya!
Habang
tayo ay narito sa daigdig, ang ating pagiging kasapi
sa mundo ni Cristo ay hindi buo at ganap na inilalahad.
Higit sa lahat, hindi ito matatag at tiyak. Habang tayo
ay nabubuhay, malalantad tayo sa maraming panganib,
paghihirap at tukso na maaaring maging dahilan upang
tayo ay mag-alinlangan, bumagal sa ating paglalakbay
o lumihis patungo sa maling patutunguhan.
“Binuhay
kayong muli, kasama ni Cristo, kaya’t hanapin
ninyo ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni
Cristo na nakaupo sa kanan ng Diyos.” (Col 3:1)
Kaya’t
mauunawaan natin, ang pangaral ng apostol: "Ilagay
mo ang iyong puso sa mas mataas na kaharian.”
Ikaw ay naglalakbay gamit ang mga materyal na bagay
sa daigdig na ito, ngunit maaari mong iwan ang lahat
ng ito sa pamamagitan ng paraang ispiritwal; isuko ang
mga patakaran at mga kinahihiligan ng mundo upang hayaan
ang mga saloobin at damdamin ni Jesus na gumabay sa
iyo sa bawat kalagayan.
“Ang
tinutukoy sa mas mataas na kaharian”, sa katunayan,
ay ang mga batas ng Kaharian ng Langit na dinala ni
Jesus dito sa lupa at nais niyang matupad dito at ngayon
na.
“Binuhay
kayong muli, kasama ni Cristo, kaya’t hanapin
ninyo ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni
Cristo na nakaupo sa kanan ng Diyos.”
Paano
natin isasabuhay itong Kataga ng Buhay? Hinihikayat
tayong huwag masiyahan sa pangkaraniwang buhay na binubuo
ng hindi ganap na batayan at mga kompromiso lamang.
Hinihikayat tayong iayon ang ating buhay- sa tulong
ng biyaya ng Diyos- sa mga batas ni Cristo.
Inaanyayahan
tayo ng Kataga ng Buhay na ito na isabuhay at magpatotoo
sa lipunan sa mga pamantayan na dinala ni Jesus dito
sa lupa. Maaaring ito ay diwa ng pagkakasundo at kapayapaan,
ng paglilingkod sa ating kapwa, ng pang-unawa at kapatawaran,
ng katotohanan, katarungan, at karangalan sa ating mga
gawain, ng katapatan, kadalisayan, at paggalang sa buhay,
atbp.
Ang
mga posibilidad ay kasing lawak ng buhay, ngunit upang
maging makatotohanan, ating isabuhay ang batas ni Jesus
na siyang kabuuan ng iba pang mga utos: ang makita si
Cristo sa bawat kapwa at ilagay ang ating mga sarili
bilang kanyang lingkod. Sa gayon ay maihahanda natin
ang ating mga sarili para sa huling pagsusulit ng ating
buhay.
|