“Mapalad
ang nananalig na matutupad ang mga bagay na sinabi ng
Panginoon.” (Luc 1:45)
Ang mga salitang ito ay bahagi ng isang simple ngunit
dakilang pangyayari. Ito ang pagtatagpo ng dalawang
nagdadalang-taong ina, na may ganap na ugnayang espiritwal
at pisikal sa sanggol na nasa kanilang sinapupunan.
Ang mga ina ang nagpahayag ng damdamin ng kanilang mga
anak.. Nang magsalita si Maria, ang sanggol sa sinapupunan
ni Elisabet ay napalundag sa tuwa. Nang magsalita si
Elisabet, tila ang mga salita ay inilagay sa kanyang
labi ng kanyang sanggol. Bagamat ang mga unang salita
ng kanyang awit ng papuri kay Maria ay personal na patungkol
sa Ina ng Diyos, ang mga huling salita ay patungkol
sa lahat: “Mapalad ang nananalig.”
Kaya’t ang kanyang “pahayag ay naging isang
pangkalahatang katotohanan: ang pagiging mapalad ay
para sa lahat ng nananalig. Ito ay para sa mga tumatanggap
ng Salita ng Diyos at isinasabuhay ito, at para sa mga
tumitingin kay Maria bilang huwaran.” (1)
“Mapalad
ang nananalig na matutupad ang mga bagay na sinabi ng
Panginoon.”
Ito ang unang pagpapahayag ng mapapalad sa Ebanghelyo,
na patungkol kay Maria at sa lahat na nagnanais sundan
at tularan siya.
Para kay Maria, may matibay na ugnayan ang pananampalataya
at pagiging ina, na bunga ng pakikinig sa Salita ng
Diyos. Nabanggit ni San Lucas sa pangungusap na ito
na patungkol din ito sa atin. Nakasulat pa rin sa Ebanghelyo
na sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig ng salita
ng Diyos at tumutupad nito ang siya kong ina at mga
kapatid” (Luc 8:21).
Sa udyok ng Banal na Espiritu, ipinahayag sa atin ni
Elisabet bago pa man ang mga salitang ito ni Jesus,
na bawat alagad ay maaaring maging “ina”
ng Panginoon. Ang tanging bagay na hinihiling ay manalig
sa Salita ng Diyos at isabuhay ito.
“Mapalad
ang nananalig na matutupad ang mga bagay na sinabi ng
Panginoon.”
Pagkatapos ni Jesus, si Maria ang pinakamahusay at ganap
na nag-“oo” sa Diyos. Doon nakasalalay,
una sa lahat, ang kanyang kabanalan at kadakilaan. Kung
si Jesus ang Salitang nagkatawang-tao, si Maria naman
ang Salitang isinabuhay dahil sa kanyang pananalig sa
Salita ng Diyos. Ngunit tulad natin, siya ay isa ring
nilalang.
Dakila at natatangi ang papel na ginagampanan ni Maria
bilang ina ng Diyos. Ngunit hindi lang ang Birheng Maria
ang tinatawag ng Diyos na magsilang kay Kristo. Bawat
Kristiyano ay may ganoon ding tungkulin, bagama’t
sa magkakaibang paraan. Tinatawag tayo na isabuhay si
Kristo upang ulitin natin tulad ni San Pablo, “Hindi
na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang nabubuhay
sa akin” (Gal 2:20).
Paano natin ito maisasabuhay?
Tularan natin si Maria - ganap na bukas ang puso niya
sa Salita ng Diyos. Kasama niya, maniwala tayo na lahat
ng pangako ng Salita ng Diyos ay magaganap. At kung
kinakailangan, harapin natin ang bunga na minsan ay
hindi inaasahan tulad ng ginawa ni Maria.
Sa mga nananalig sa Salita ng Diyos, nagaganap ang malalaki
at maliliit na bagay na laging kamangha-mangha. Maaari
tayong makapuno ng maraming libro ng mga karanasan para
patunayan ito.
Hindi namin makakalimutan ang karanasan, sa gitna ng
gyera, nang maniwala kami sa sinabi ni Jesus, “Humingi
kayo, at kayo’y bibigyan” (Mt 7:7). Humingi
kami ng lahat ng kinakailangan ng mga dukha sa aming
bayan, at dumating ang mga sako ng arina, kahon ng gatas,
palaman sa tinapay, kahoy na panggatong, at mga damit.
Nangyayari pa rin ito ngayon. “Magbigay, at kayo
ay bibigyan” (Lc 6:38). Laging puno ang lahat
naming lalagyan dahil patuloy naming ipinamimigay ang
laman nito.
Ngunit ang higit na kamangha-mangha ay makita na laging
totoo ang mga salita ni Jesus saanman. Dumarating sa
tamang oras ang tulong ng Diyos, kahit sa pinakaimposibleng
pangyayari at sa pinakamalayong lugar sa mundo, tulad
ng nangyari kamakailan lang sa isang ina na lubhang
naghihikahos. Isang araw, ibinigay niya ang kanyang
kakaunting natitirang pera sa isang tao na higit ang
pangangailangan. Naniwala siya sa pangako ng Ebanghelyo,
“Magbigay, at kayo ay bibigyan.” At nanatili
siyang mapayapa. Di-nagtagal, dumating ang kanyang bunsong
anak na may dalang regalo mula sa isang kamag-anak na
bumisita sa kanila.Pagbukas nila, laman noon ang pera
na doble ang halaga sa ibinigay ng kanyang ina.
Ang ganitong “maliit” na karanasan ay nagpapalakas
ng ating loob na manalig sa Ebanghelyo. Bawat isa sa
atin ay makakaranas ng kaligayahan na nagmumula sa mga
pangako ni Jesus na nagkakatotoo.
Sa ating pang-araw-araw na buhay, kapag nakakaugnay
natin ang Salita ng Diyos sa ating pagbabasa ng Bibliya,
buksan natin ang ating puso at makinig dahil naniniwala
tayo na lahat ng hinihiling at ipinapangako ni Jesus
ay nagkakatotoo. Sa malao’t madali, matutuklasan
natin, tulad ni Maria at ng inang iyon, na totoo ang
mga pangako ni Jesus.
1) Gerard Rosse, Ang Ebangelyo ni Luca, Roma, 1992.
|