(Ikalawang
Bahagi)
Ipagpapatuloy
natin sa seryeng ito ng Daan ni Maria ang mga sumusunod:
ang pagbisita ni Maria kay Elisabet, ang pagsilang
kay Hesus, ang pagbisita ng Banal na Mag-anak sa templo,
ang pagkawala ni Hesus sa templo at ang lihim at personal
na buhay ni Maria habang si Hesus ay lumalaki sa Nazaret.
Tatalakayin din natin ang mga kahulugan nito sa mga
taong nagsasabuhay ng Ispirtuwalidad ng Pagkakaisa.
Dinalaw ni Maria ang kanyang pinsan na si Elisabet.
Dahil
nakatagpo si Maria ng isang pusong bukas, isang kaibigan
kay Elisabet, kusang lumabas sa kanya ang awit ng
Magnificat kung saan ikinuwento niya ang kanyang di-pangkaraniwang
karanasan. Pumapasok ang liwanag ng Diyos sa kaluluwa
habang ipinapahayag ang mithiin ng pagkakaisa. Dahil
sa liwanag na ito, kadalasan ang lahat ng nangyari
sa nakaraan ay nagkakaroon ng bagong kahulugan.
Gayundin,
nabibigyan ng liwanag ang kinabukasan at, kung minsan,
ang bokasyon o tawag ng Diyos sa isang tao. Dahil
dito, kahit ang mga taong di dating nagbabahagi, kapag
kasama ang mga taong nagsasabuhay ng pagmamahal at
pagkakaisa, ngayon ay buong galak at pasasalamat na
nagbabahagi ng kanilang bagong karanasan.
Sa
ganitong paraan, inilalarawan nila ang pagkilos ng
Diyos sa paglalakbay ng kanilang kaluluwa patungo
sa Diyos, tulad sa Magnificat kung saan ipinahayag
ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni Maria ang pagkilos
ng Diyos sa kanyang buhay at sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Isinilang
ni Maria si Jesus sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Kapag
isinasabuhay ng mga kasapi ng Focolare ang pagmamahalan
nang sama-sama, nakakamit nila ang biyaya ng presensya
ni Kristo sa kanilang piling. Dito ay tinutularan
nila si Maria na nagbigay-buhay kay Jesus.
Inihandog
ni Maria si Jesus sa Templo.
“Isang
espada ang tatagos sa iyong puso” (Lk. 2:35).
Matapos ang kasiglahan ng unang yugto kung saan ipinakita
ng Banal na Espiritu na ang pag-ibig ang kabuuan ng
pagiging Kristiyano sa pamamagitan ng isang ugnayan,
pag-uusap, o isang kasulatan, dumarating ang “paghahayag”
tungkol kay Jesus na pinabayaan sa krus bilang huwaran
at sukat ng pagmamahal. Nararamdaman ang tawag na
italaga ang sarili sa Diyos na Siyang tanging makakabatid
kung tunay ang kanilang pagmamahal . Nararamdaman
din nila na hinihingi sa kanila ang ganap na pagtalikod
sa lahat ng materyal at maging sa mga espirituwal
na bagay.
(Naranasan
ni Maria) Ang pagkawala ni Jesus na nanatili sa Templo
kasama ng mga guro.
Ang
mga biyaya, ang liwanag, ang kasiglahan na laging
namamalas sa simula ng paglalakbay sa daang ito patungo
sa Diyos ay mga biyayang galing sa Diyos para tulungan
ang nagsisimula pa lang sa daang ito.
Ngunit
pagkaraan ng ilang buwan, matapos magkaroon ng higit
na malalim na karanasan ng pakikipagtagpo kay Jesus
na pinabayaan sa krus, kadalasan binabawi ng Diyos
ang kanyang mga biyaya, at iniiwang nag-iisa ang kaluluwa
sa kanyang pakikipaglaban sa mga pagsubok na dumarating.
Para bang naglaho ang liwanag ng Diyos; parang wala
na ang presensya ni Jesus sa puso. Parang nawala si
Jesus sa atin, tulad ng nangyari kay Maria. Bumabalik
ang pag-akit ng kasamaan; unti-unting pumapasok ang
pagdududa! Sinasabi natin, tulad ni Maria “Jesus,
bakit mo ito ginawa sa amin?”
Ang tugon ni Jesus: ito ang kalooban ng Ama. Ang lakas
na ating nadama, ang liwanag at pagmamahal na ating
tinanggap, ang lahat ng ito ay mga kaloob ng Diyos.
Binawi ngayon ang mga biyayang ito para maipakita
natin, sa pamamagitan ng ating pagkukusang-loob, ang
ating taos-pusong pagmamahal sa Diyos.
Ang pangkaraniwang buhay ni Jesus kasama si Maria
sa Nasaret.
Wala
tayong alam tungkol sa bahaging ito ng buhay ni Jesus
kasama si Maria sa Nasaret. Mailalarawan natin sa
isip na nagkaroon ng patuloy at malalim na pagkakaunawaan
ang dalawa, isang ugnayang pangalawa lamang sa pagkakaisa
ng Ama, Anak at Espiritu Santo, ang Banal na Santatlo….
Gayundin, para sa mga nakakalagpas sa panahon ng pagsubok
na kasunod ng simulang puno ng sigasig, isang malalim
na ugnayan kay Kristo ang namumuo sa kaluluwa. Dumarating
ito sa puntong nagiging malakas ang tinig ni Jesus
sa ating puso at ginagabayan tayo sa ating bawat pagkilos
.
Jonas
Lardizabal