“Ang
paghahari ng Diyos ay katulad ng isang mangangalakal
na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng
isang napakahalagang perlas, siya’y humayo at
ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang
perlas.” (Mt. 13:45-46)
Sa
maikling talinghagang ito, napakalinaw ng paglalarawan
ni Jesus. Alam ng lahat ang halaga ng perlas: tulad
ng ginto, ito ang pinakamahalagang bagay na maaaring
makamit ng tao.
Binanggit
din ng Ebanghelyo ang karunungan, ang pagkakilala sa
kalooban ng Diyos. Napakahalaga nito kaya’t hindi
ito maihahambing sa anumang “mamahaling alahas”
(Kar 7:9).
Ang
nangingibabaw sa talinghagang ito ay ang paglalarawan
ng kakaiba at kamangha-manghang pangyayari: ang mangangalakal
ay nakakita ng isang perlas, maaaring sa tindahan; tanging
ang kanyang mapanuring mata ang nakakita na ang perlas
na ito ay mamahalin. Maaari siyang magtamo ng malaking
tubo mula dito. Kaya’t nagpasya siya, matapos
ng masusing pagsusuri na makabubuting ipagbili niya
ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang perlas.
Sino nga ba naman ang hindi ganito ang gagawin?
Ito
ang malalim na kahulugan ng talinghaga: ang perlas ay
ang matagpuan si Jesus, ang kaharian ng Diyos sa ating
piling. Ito ang bukod-tanging pagkakataon na hindi natin
dapat palampasin, na dapat pagbuhusan ng lahat ng lakas
at yaman.
“Ang
paghahari ng Diyos ay katulad ng isang mangangalakal
na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng
isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at
ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang
perlas.”
Hindi
ito ang unang pagkakataon na ang mga alagad ni Jesus
ay nahaharap sa isang mabigat na pagpili. Upang makasunod
kay Jesus, kailangan nilang iwanan ang lahat –
ang lahat na higit nilang pinahahalagahan, tulad ng
pagmamahal ng pamilya, katiwasayan sa pananalapi, katiyakan
sa hinaharap.
Ngunit
hindi humihingi si Jesus ng isang bagay na walang dahilan
o hindi makatwiran. Sa “lahat” na ating
iiwanan, tayo ay makakatagpo ng “lahat”
at walang anumang hihigit pa sa halaga nito. Sa tuwing
si Jesus ay hihingi, Siya ay nangangako ng labis-labis
pa.
Sa
talinghagang ito, tinitiyak Niya sa atin ang isang kayamanan
na magpapayaman sa atin magpakailanman.
Kung
tila isang pagkakamali na iwanan ang isang tiyak na
bagay sa isang walang katiyakan, isang pag-aari kapalit
ng isa lamang pangako, alalahanin natin ang mangangalakal
na iyon: dahil alam niya na ang perlas ay napakahalaga,
buong tiwala siyang makapaghihintay ng magiging tubo
nito.
Gayundin,
batid at nakikita sa pamamagitan ng pananampalataya
ng sinumang nagnanais sumunod kay Jesus, na isang napakalaking
gantimpala ang maging tagapagmana ng kaharian ng Diyos,
kapalit ng lahat niyang iniwan, kahit sa espiritu lamang.
Bukod
dito, ang pagkakataong ito’y ipinagkakaloob ng
Diyos sa lahat ng tao.
“Ang
paghahari ng Diyos ay katulad ng isang mangangalakal
na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng
isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at
ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang
perlas.”
Ito
ay isang matibay na paanyaya na isantabi ang lahat na
maaaring umagaw sa lugar ng Diyos sa ating puso tulad
ng trabaho, pamilya, pag-aaral, magandang bahay, propesyon,
laro o libangan.
Ito
ay isang paanyaya na ibigay sa Diyos ang unang lugar
sa ating puso. Lahat ng bagay sa ating buhay ay dapat
ituon sa Kanya sapagkat lahat ng bagay na dumarating
sa atin ay mula sa Kanya.
Kung
ganito ang ating gagawin, kung ating “hahanapin
ang Kanyang kaharian” tulad ng pangako sa Ebanghelyo,
ipagkakaloob sa atin ang lahat ng ating kinakailangan
(Lc 12:31). Kung isasantabi natin ang lahat para sa
kaharian ng Diyos, “makakatanggap tayo ng makasandaang
ibayo sa tahanan, kapatid, ama o ina (Mt 19:29), dahil
ang Ebanghelyo ay tunay na bahagi ng buhay ng tao. Si
Jesus ay Diyos at Tao, ipinangako Niya sa atin hindi
lang ang pagkaing espiritwal, bagkus din ang tinapay,
tahanan, damit, pamilya at lahat-lahat.
Mula
sa “maliliit”, maaari tayong matuto na higit
na magtiwala sa Pagkalinga ng Ama, dahil hindi Siya
nagkukulang na magbigay sa mga taong ibinigay ang kahit
kakaunti nilang pag-aari dahil sa pagmamahal.
Kamakailan
lang ay may isang grupo ng mga kabataan mula sa Congo,
Africa na gumawa ng “postcard” mula sa balat
ng saging at pagkatapos ay ipinagbili ang mga ito sa
Germany. Noong una ay itinabi nila ang naging tubo para
sa sarili dahil ilan sa kanila ay kailangang tumulong
sa pamilya. Ngunit pagkatapos ay nagpasya sila na ibahagi
ang kalahati nito upang tumulong sa tatlumpo’t
limang kabataan na walang trabaho.
Maraming
nakaalam ng kanilang karanasan. Nakaabot ito sa ilang
mamimili na naghahanap ng mga trabahador, kaya’t
inalok nila ang mga kabataang ito ng permanenteng trabaho.
Hindi natin malalampasan ang Diyos sa Kanyang kabutihang-loob.
|