(Unang
bahagi)
May
natatanging lugar si Maria sa buhay pagkakaisa. Bilang
isa sa mga samahang umusbong sa Simbahang Katolika
noong ika-dalawampung siglo, higit na naunawaan ni
Chiara ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ni
Maria sa kasaysayan ng sangkatauhan at sa buhay ng
bawat Kristiyano.
Isang karanasan niya na nagpapatunay sa pagpapahalaga
kay Maria ay nangyari noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig,
noong kinailangang magtago sa mga air raid shelters
dahil sa matinding pagbomba sa Trento. May eroplanong
dumaan at nagbagsak ng mga bomba doon mismo sa air
raid shelter. Sa tindi ng pagtama ng mga bomba, napadapa
ang lahat sa lupa. Habang nakapatirapa at nasa bingit
ng kamatayan, isang bagay lang ang nagdulot ng kalungkutan
kay Chiara: ang di na kailanman makapagdasal ng “Aba
Ginoong Maria” dito sa lupa. Sa mga oras na
iyon, hindi pa nauunawaan ni Chiara ang kahulugan
ng kalungkutang ito. Napagtanto niya lamang, pagkaraan
ng ilang taon ang kahulugan ng pangyayaring iyon,
nang makita niya ang paglago ng Kilusang Focolare
bilang isang Gawa ng Diyos na may kaugnayan kay Maria,
tulad ng isang monumentong parangal sa kanya, na para
bang isang awit ng papuri kay Maria, Ina ng Diyos.
Ang Kilusang Focolare ay tinatawag na “Work
of Mary” o Gawa ni Maria, di lamang dahil dala
nito ang ngalan ni Maria kundi dahil para kay Chiara,
si Maria ang nagbibigay-buhay, ang umaalalay at ang
gumagabay dito. Paniniwala rin niya na ninais ito
ng Espiritu Santo.
Maaring maihambing ang untiunting pagkilala ng Kilusang
Focolare kay Maria sa naging karanasan ng Simbahan
sa simula, kung saan si Maria ay nagbigay-puwang kay
Jesus, na kinailangan pang makilala ng mundo bilang
Anak ng Diyos.
Sa simula ng Focolare, ang Espiritu Santo ang nagsilbing
gabay upang pagtuunan ng pansin ang iba’t ibang
aspeto ng Espirituwalidad ng Pagkakaisa.
Patuloy na pinapurihan at minahal si Maria ngunit
walang naging pagbabago sa pagkakilala kay Maria.
Ngunit pagkatapos ng anim na taon mula ng magsimula
ang Focolare, may mga bagong naunawaan si Chiara tungkol
kay Maria. Higit niyang naunawaan kung sino si Maria,
na para bang natabunan ang mga nakagisnang pananaw
tungkol sa kanya. Higit niyang naunawaan ang katotohanan
tungkol kay Maria bilang Ina ng Diyos. Nakita niya
si Maria bilang isang nilalang na nababalot sa Salita
ng Diyos, isang nilalang na pinahalagahan ang lahat
ng mula sa Diyos at pinagnilayan ang mga ito sa kanyang
puso. Kung si Jesus ang Salita ng Diyos, Salitang
nagkatawang-tao, si Maria, dahil sa kanyang katapatan
sa salita ng Diyos, ay ang salitang naging buhay.
Nakita niya si Maria bilang isang huwarang Kristiyano,
isang modelo na maaring tularan ng lahat ng tagasunod
ni Jesus. Kaya tinatawag rin ang mga nagsasabuhay
ng Espirituwalidad ng Pagkakakisa, na maging isang
tulad ni Maria. Sa paglipas ng panahon, dahil sa pag-udyok
ng Espiritu Santo, naging pangkaraniwan ang tawagin
si Maria bilang “Nanay” o “Mama”.
Naunawaan din si Maria bilang modelo, ang “hulmahan”
ng mga sumunod kay Chiara.
Tulad ng paghambing sa isang daang patungo sa Diyos
bilang isang hagdanang may sunud-sunod na baitang,
nakita rin ni Chiara ang iba’t ibang yugto ng
buhay ni Maria — na nasa mga misteryo ng Santo
Rosaryo — na mga sandali, sa buhay espirituwal
ng mga kasapi sa Kilusang Focolare. Tinawag itong
“Daan ni Maria”.
Ang unang yugto sa daang ito ay ang pagpapahayag ng
anghel Gabriel kay Maria na magiging Ina ng Diyos.
Ito ang unang matinding tagpo ni Maria at ng Espiritu
Santo. Sinabi ng anghel na magkakatawang-tao ang Salita
ng Diyos sa kanyang sinapupunan.
Ang pagkatagpo sa buhay pagkakaisa ay isang “pagpapahayag”
din sa mga taong malugod na tumatanggap dito.
Nakikita ito ng mga kasapi ng Kilusang Focolare bilang
isang pagkakataong binibigay ng Diyos upang mas ganap
na maisabuhay ang kanilang pananampalataya bilang
Kristiyano, isang paraan upang isabuhay ng kongkreto
ang diwa ni Kristo sa kanilang buhay.
Isa itong pagpapahayag ng buhay pagmamahal. Naunawaan
ni Chiara at ng mga sumunod sa kanya na kailangan
nilang magmahal , na matatagpuan nila ang Diyos sa
pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa. Pag-ibig ang kanilang
magiging buhay. Susunod sa serye ng Pagninilay ang
patuloy na pagpapaliwanag sa iba pang yugto ng “Daan
ni Maria” na makikita sa karanasan ng mga nagsasabuhay
ng buhay pagkakaisa.
Jose Aranas