"Ang
nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang
mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay
alang-alang sa akin ay magkakamit nito." (Mt 10:39)
Sa Katagang ito, tinutukoy ni Jesus ang dalawang uri
ng buhay: ang buhay sa lupa na binubuo natin sa mundong
ito, at ang buhay na makalangit na ibinigay ng Diyos
sa atin sa pamamagitan ni Jesus, isang buhay na hindi
natatapos sa kamatayan at walang sinumang makakakuha
sa atin.
Maaari tayong magkaroon ng dalawang saloobin. Ang una
ay manatili tayong nakakapit sa buhay natin dito sa
lupa, at ituring itong tanging kabutihan. Ang ganitong
saloobin ay magtutulak sa atin na isipin lamang ang
ating sarili, gawain, mga anak, at isara natin ang sarili
at panindigan lang ang nais natin. Ang daàng
ito ay matatapos sa isang tiyak na kamatayan. Sa kabilang
dako, ang isang pagkilos ay maniwala sa Diyos na nagbigay
sa atin ng isang higit na tunay at malalim na buhay.
Ito ang nagbibigay sa atin ng tapang na mamuhay sa paraan
na maging karapat-dapat sa Kanyang handog hanggang “mawalan”
tayo ng ating buhay sa lupa para sa buhay sa kabila.
"Ang
nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang
mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay
alang-alang sa akin ay magkakamit nito."
Tinutukoy ni Jesus ang pagiging martir nang banggitin
Niya ang mga salitang ito. Tulad ng lahat ng Kristiyano,
dapat tayong maging handa sa pagsunod sa Panginoon at
manatiling tapat sa Ebanghelyo, handang mawalan ng buhay,
kahit isang marahas na kamatayan kung kinakailangan.
At sa biyaya ng Diyos, makakamit natin ang tunay na
buhay. Si Jesus ang unang “nawalan ng buhay”
at maluwalhati Niya itong muling nakamit. Nagbabala
Siya: Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan
ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa” (Mt
10:28). Ngayon ay sinasabi Niya sa atin:
"Ang
nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang
mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay
alang-alang sa akin ay magkakamit nito."
Kung babasahin nating mabuti ang Ebanghelyo, makikita
natin na anim na beses na bumabalik si Jesus sa kaisipang
ito. Ibig sabihin ay napakaimportante nito at tunay
na pinapahalagahan ni Jesus.
Ngunit para kay Jesus, ang panawagan na mawalan ng sariling
buhay ay hindi lang isang paanyaya na maging martir.
Ito ay pangunahing batas ng buhay Kristiyano.
Dapat tayong maging handa na itakwil ang tukso na itaas
ang sarili, iwaksi ang pagiging makasarili. Kung nais
nating maging tunay na mga Kristiyano, ilagay natin
si Kristo sa sentro ng ating buhay. Ano ang hinihiling
sa atin ni Kristo? Pag-ibig sa kapwa. Kung ganito ang
ating magiging buhay, “mawawala” ang ating
buhay at matatagpuan natin ang buhay na walang-hanggan.
Hindi nangangahulugan na kapag hindi tayo nabubuhay
para sa sarili ay nagpapahuli tayo at hindi kumikilos.
Ang totoo ay kailangan ng mga Kristiyano ang matibay
na paninindigan at ganap na pananagutan.
"Ang
nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang
mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay
alang-alang sa akin ay magkakamit nito."
Kahit sa buhay na ito, mararanasan na sa pagbibigay
natin ng sarili, sa bawat pagkilos natin ng may pagmamahal,
lumalago ang “buhay” sa atin. Kapag ang
araw natin ay para sa paglilingkod sa kapwa, kapag nababago
natin ang trabaho (na maaaring paulit-ulit at nakakabagot)
upang maging pag-ibig, nararanasan natin ang kaligayahang
dulot ng higit na kaganapan.
"Ang
nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang
mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay
alang-alang sa akin ay magkakamit nito."
Sa pagsunod sa utos ni Jesus na nakatuon lahat sa pag-ibig,
makikita din natin ang buhay na walang-hanggan pagkatapos
nitong maikling buhay
Tandaan natin ang sasabihin at gagawin ni Jesus sa Araw
ng Paghuhukom. Sa nasa kanan: “Halikayo, mga pinagpala
ng aking Ama!... Sapagkat ako'y inyong pinakain noong
ako'y nagugutom... Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy.
Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan” (Mt
25:34-36).
Upang makibahagi tayo sa buhay na hindi lumilipas, titingnan
lang ni Jesus ang isang bagay: kung tayo’y nagmahal
ng ating kapwa. Ituturing Niyang ginawa natin sa Kanya
ang anumang ginawa natin sa kapwa.
Paano natin isasabuhay itong Kataga ng Buhay? Paano
tayo “mawawalan” ng buhay upang makamit
ito ngayon pa man? Ihanda natin ang sarili sa dakila
at tiyak na huling pagsusulit ng ating buhay.
Tumingin tayo sa ating paligid at punuin natin ang ating
araw ng pagmamahal. Si Kristo ay nasa ating mga anak,
asawa, mga kasamahan sa trabaho at kahit sa mga politiko.
Gumawa tayo ng kabutihan sa lahat. Huwag nating kalimutan
ang mga nababalitaan natin sa araw-araw sa pamamagitan
ng ating mga kaibigan o ng mass media. Kumilos tayo
para sa lahat, ayon sa ating kakayahan. At kapag nagawa
na natin ang ating bahagi, maaari tayong magdasal para
sa kanila.
Ang mahalaga ay magmahal.
|