Ang
pananalangin ay dapat paghandaan ng mabuti. Ang paghahandang
ito ay pagsasantabi ng lahat ng naisin at hangarin
sa ating mga puso. Isang naging pangkalahatang preparasyon
ng mga nagsasabuhay ng Espirituwalidad ng Pagkakaisa
ay ang pagtuon ng buong pagmamahal kay Hesus na nakapako
at pinabayaan sa krus. Malaking tulong ang ganitong
disposisyon na pagmamahal sa bawat anyo ni Hesus na
nakapako at pinabayaan sa Krus (simbolo ng matinding
pagmamahal ng Diyos sa atin), dahil sa kadalasan di
madali ang maghanap ng oras para magdasal. Ang pagmamahal
kay Hesus na pinabayaan ay nangangahulugang pagsasantabi
sa mga naisin ng puso upang makapagdasal tayo ng maayos
at manatiling nakatuon lamang sa Diyos. Tulad ng isang
puno na kailangang lumago, kailangan putulin ang ilang
sanga at dahon upang magbunga ito ng lubos. Tayo rin,
kinakailangang putulin ang mga gumagapos sa ating
puso upang tunay at malayang makapagmahal sa Diyos.
Tinatrabaho ng Diyos, ng Espiritu Santo ang “kawalang-hangarin
ng ating puso” na nagbubunga ng mabuti sa sangkatauhan.
Ganito
ang naging karanasan nila Chiara Lubich at ng kanyang
mga kaibigan noong 1949, taon ng matinding grasya
at liwanag mula sa Diyos sa nagsisimulang kilusan
ng Focolare. Sa kawalan ng hangarin ng kanilang mga
puso na kanilang ipinamalas sa pagmamahal lamang kay
Hesus na pinabayaan sa krus, ang Diyos ay nagpamulat
sa kanila ng maraming makalangit na katotohanan na
naging sandigan ng sumisibol na kilusan na ngayon
ay kinikilala na ng Simbahan, ng ating Santo Papa
bilang Espirituwalidad ng Komunyon o Pagkakaisa.
Ang
isa namang partikular na preparasyon o disposisyon
na kinakailangan sa panalangin ay ang paghahanap ng
isang lugar na maayos. Maaari ito ay simbahan, ang
ating silid, ang hardin o isang lugar na nasa kalikasan.
Maaari tayong makipag-ugnayan sa Diyos kahit saan,
pero si Hesus mismo ay pumili ng mga lugar na tahimik
upang makipag-usap sa kanyang Ama sa langit tulad
ng bundok, o tabing dagat lalo na sa mga oras na tahimik
ng kinagabihan o madaling araw.
Tulad
ni Hesus maghanap din tayo ng mga lugar kung saan
maaari tayong makapagnilay, at mga oras ng katahimikan.
Hindi natin maihihiwalay sa ating mga katawan ang
ating kaluluwa, kaya pati ang posisyon natin sa panalangin
ay dapat ding isaayos. Ang pisikal nating posisyon
at disposisyon ay mahalaga sa pagdarasal kaya hindi
dapat natin pagurin nang husto ang ating sarili bago
tayo manalagin upang hindi naman tayo haharap sa Diyos
ng walang lakas at abilidad na magtuon ng ating pagmamahal
sa Kanya. Iwasang ibigay sa kanya ang mga di magandang
oras tulad ng panahong tayo’y pagod na pagod,
upang sa gayon maging makabuluhan ang ating diyalogo
sa kanya.
Mahalaga
ang ganitong disposisyon na kailangan nating pagbutihin
upang matupad natin ang nais ng Diyos na hindi “magsayang
ng mga salita.” Tapos pag-alabin natin ang ugnayan
na ito kay Hesus sa buong maghapon upang patuloy na
makipag-ugnayan sa kanya at laging mabaling ang ating
puso sa kanyang kalooban.
Isang
mahirap na gawain ang maghanap ng tamang oras para
magdasal. Ngunit ang katotohanan ay ang oras ay hindi
problema kundi ang pag-uugali natin sa panalangin.
Mag-iiba ang pagtanaw natin sa panalangin kung titingnan
natin ito bilang isang pangangailangan at pagsasantabi
ng mga bagay-bagay upang magbigay halaga sa tanging
mahalaga (Lk. 10:42)—ang pakikipag-isa sa Diyos.
Makakatulong
din ang kasabihang ito na naging motto ng mga nagsasabuhay
ng buhay pagkakaisa: “Manalangin tulad ng mga
anghel at magtrabaho tulad ng mga manggagawa.”
Marami ang nalulunod sa pagtratabaho bilang manggagawa
kaya kadalasan madaling ma-stress at ma-burnout ang
maraming tao. Pero paaalala lamang, binigyan pansin
na ba natin ang unang bahagi ng kasabihan na manalangin
tulad ng mga anghel? Hinihikayat tayo ng Simbahan
na gawin ang mga mental prayers at pang-araw-araw
na pagninilay dahil malaking tulong ito para maalagaan
natin ang ating ugnayan sa Diyos.
Isa
pang gabay upang pahalagahan ang buhay panalangin
ang mga kataga ni Hesus: “Ano nga ang mapapala
ng isang tao, makamtam man niya ang buong daigdig,
kung mawawala naman ang kanyang kaluluwa.” (Mt.
16:26)
Anong
halaga ng magtrabaho ng husto para sa kaharian ng
Diyos kung ang kaluluwa naman natin ay nananatiling
maliit at di ganap dahil hindi tayo naghahanap ng
tamang oras para palakasin ang kaluluwa natin sa pamamagitan
ng panalangin? May halaga ba ang lahat ng ito kung
ang pananalangin natin ay ginagawa natin sa harap
ng maraming kaguluhan, o di taimtim, mabilisan at
pinaiiksi ang pagsabi natin nito? Napakahalaga ng
mga katagang sinabi ni Hesus. Ginigising tayo nito
upang matanto ang tunay na mahalaga sa buhay-- ang
ugnayan natin sa Diyos. Kung manghihina ang ating
pagmamahal sa Diyos, dahil wala nang ugnayan sa kanya
sa panalangin, anong maiibigay natin sa iba? Nawa’y
ang bawat gawain natin ay maging pag-uumapaw lamang
ng pagmamahal natin sa Diyos.”
Ano
ang magandang gawin? Sa paghahanda ng ating araw,
ng ating linggo, ng buwan o ng taon, magbigay oras
tayo sa panalangin at mga spiritual excercises tulad
ng mga retreat o recollection, panalangin sa pamilya
at pang-araw-araw na pagninilay. Kung ang panalangin
ang hangin ng ating kaluluwa, at siyang nagpapalakas
nito, magandang isama lagi ang mga gawaing ito sa
ating mga plano at programa sa buhay. Sa simula maaaring
mahirap gawin ito ngunit ang ganitong disiplina ay
magbubunga ng maganda sa ating buhay.
Minsan
mas nakatuon tayo sa pagpapalakas at pagpapaganda
ng ating mga katawan. Nawa’y gawin din natin
ito sa ating kaluluwa na nagbibigay halaga sa buhay
panalangin dahil ang kagandahan ng kaluluwa ay hindi
maililihim. Maaaninagan ito ng marami sa ating buhay
at mukha. Ang kagandahan ng kaluluwa ay panghabang-buhay
at di nating pagsasawaan.
Jose
Aranas