| “Ang
umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, iibigin ko
rin siya, at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya.”
(Jn 14:21)
Ang sentro ng huling pananalita ni Jesus ay pag-ibig:
pag-ibig ng Ama para sa Anak, pag-ibig para kay Jesus
na ibig sabihin ay tupdin ang Kanyang mga utos.
Madaling makilala ng mga nakikinig kay Jesus ang pagkakatugma
ng Kanyang mga salita at ng nakasulat sa Aklat ng Karunungan:
“Ang nagmamahal sa karunungan ay sumusunod sa
kanyang mga tuntunin” (Kar 6:18) at, “Ang
karunungan ay madaling natatagpuan ng naghahanap sa
kanya” (Kar 6:12). Higit sa lahat, ang pagpapakilala
ni Kristo sa mga umiibig sa Kanya ay makikita sa Karunungan
1:2 na nagsasaad na ang Panginoon ay magpapahayag ng
Kanyang sarili sa mga nagtitiwala sa Kanya nang lubos.
Sa isang salita, iniibig ng Ama ang mga umiibig sa Anak,
at iniibig sila ng Anak at nagpapakilala sa kanila.
“Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama,
iibigin ko rin siya, at ako’y lubusang magpapakilala
sa kanya.”
Ngunit hinihiling ni Jesus na tayo ay magmahal. Hindi
natin maisip ang isang Kristiyano na hindi nagmamahal
at kulang ng pag-ibig sa puso. Ang isang relo ay hindi
makakapagbigay ng oras at hindi matatawag na orasan
kung wala itong baterya. Gayundin, ang Kristiyano na
hindi laging nagmamahal ay hindi karapat-dapat sa pangalang
Kristiyano.
Ito ay dahil ang buod ng lahat ng utos ni Kristo ay
iisa: pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Nakikita
natin at namamahal si Jesus sa kapwa.
Ang pag-ibig ay hindi lamang damdamin; kailangan itong
ipakita at ipahayag sa buhay, sa paglilingkod sa kapwa,
lalo’t higit sa malapit sa atin, mula sa maliliit
na bagay at pinakaabang paglilingkod.
Sinabi ni Charles de Foucauld: “Kung ikaw ay nagmamahal,
tunay na nananahan ka sa taong iyon sa pamamagitan ng
pag-ibig. Hindi ka na nabubuhay para sa sarili mo, labas
ka na sa sarili mo dahil namumuhay ka para sa iba.”
Kapag tayo’y nagmamahal, ang liwanag ni Jesus
ay pumapasok sa ating puso, tulad ng Kanyang ipinangako:
“Ako’y lubusang magpapakilala sa umiibig
sa akin” (Jn 14:21). Ang pag-ibig ang pinagmumulan
ng liwanag. Sa pagmamahal, higit nating nauunawaan ang
Diyos na Pag-ibig.
Dahil dito, higit tayong nakakapagmahal at napapalalim
natin ang ugnayan sa ating kapwa.
Ang liwanag na ito at ang mapagmahal na kaalaman tungkol
sa Diyos, ang tandâ at patunay ng tunay na pag-ibig.
Mararanasan natin ito sa iba’t ibang paraan, dahil
ang liwanag ay nagkakaroon ng kulay sa bawat isa sa
atin. Ngunit may katangian din ito na magkakatulad para
sa lahat: tinutulungan tayo nito na unawain ang kalooban
ng Diyos. Binibigyan tayo nito ng kapayapaan, katiwasayan,
at higit na pang-unawa sa salita ng Diyos. Ito ay liwanag
na nagpapainit ng puso at nagtutulak sa atin na tahakin
ang daàn ng buhay na may higit na pagtitiwala
at pagpupunyagi. Kapag ang buhay natin ay nawawalan
ng katiyakan, kapag ang kadiliman ay nagbabantang pigilan
tayo, ang mga salita ng Ebanghelyo ay muling nagpapaalala
sa atin na ang liwanag ay nabubuksan sa pamamagitan
ng pagmamahal. At kahit isang maliit ngunit kongkretong
pagmamahal (isang panalangin, isang ngiti, isang salita)
ay magbibigay sa atin ng ganap na liwanag upang magpatuloy.
May mga bisikleta na may ilaw na sumisindi habang patuloy
kang tumatakbo. Kapag tumigil ka ay magdidilim ang kapaligiran.
Ngunit kapag nagpatuloy kang tumakbo at nagpedal, sisindi
ang ilaw at ito at makikita mo ang daàn.
Mailalagay natin ito sa ating buhay: kailangan lang
nating muling buhayin ang pag-ibig, isang tunay na pag-ibig,
ang pag-ibig na ibinibigay sa kapwa nang hindi naghihintay
ng kapalit, upang muling sindihan sa puso natin ang
pananampalataya at pag-asa.
|