“Ako
ang muling pagkabuhay at ang buhay.” (Jn 11:25)
Binanggit ni Jesus ang mga salitang ito noong mamatay
si Lazaro na taga-Betania, na Kanyang binuhay noong
ikaapat na araw. Si Lazaro ay may dalawang kapatid:
si Marta at Maria. Nang narinig ni Marta na dumarating
si Jesus, agad siyang sumalubong at nagsabi: “Panginoon,
kung Kayo po’y narito, hindi sana namatay ang
aking kapatid.” “Muling mabubuhay ang iyong
kapatid,” wika ni Jesus. Sumagot si Marta, “Alam
ko pong siya’y mabubuhay muli sa huling araw.”
Sinabi naman ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay
at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay,
ay muling mabubuhay. Sinumang nabubuhay at sumasampalataya
sa akin ay hindi mamamatay kailanman.”
“Ako
ang muling pagkabuhay at ang buhay.”
Nais bigyang-linaw ni Jesus kung sino Siya para sa atin.
Taglay Niya ang pinakamahalagang bagay na maaaring naisin
ninuman: ang buhay, ang buhay na hindi kailanman mamamatay.
Kung nabasa mo ang Ebanghelyo ni San Juan, maaaring
napansin mo na sinabi rin ni Jesus: “Kung paanong
ang Ama ay may buhay sa Kanyang sarili, gayundin pinagkalooban
Niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa Kanyang sarili”
(Jn 5:26).
At dahil si Jesus ay may buhay, maaari Niyang ibigay
ito sa iba.
“Ako
ang muling pagkabuhay at ang buhay.”
Si Marta ay naniniwala rin sa “muling pagkabuhay
sa huling araw.” Sa napakaganda Niyang pagpapatibay,
“Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay,”
ipinapaliwanag ni Jesus na hindi na dapat pang maghintay
si Marta at umasa sa muling pagkabuhay sa hinaharap.
Ngayon din, sa kasalukuyang sandali, para sa lahat ng
sumasampalataya sa Kanya, si Jesus ang buhay –
ang makalangit, hindi mailarawan at walang hanggang
buhay na hindi kailanman mamamatay.
Kung si Jesus ay nananahan sa mga sumasampalataya, kung
Siya ay nasasaiyo, hindi ka mamamatay. Ang buhay na
ito sa lahat ng sumasampalataya ay isang pakikilahok
sa buhay ni Jesus na muling nabuhay. Kaya’t ito’y
ganap na kakaiba sa ating pangkaraniwang kalagayan sa
buhay.
Itong di-pangkaraniwang buhay na taglay mo na rin ay
ganap na makikita sa huling araw. At ang buo mong katauhan
ay makikilahok sa muling pagkabuhay na darating.
“Ako
ang muling pagkabuhay at ang buhay.”
Nang sinabi ito ni Jesus, hindi naman Niya ipinagkakaila
na may kamatayang pisikal. Ngunit sinasabi Niya na ang
kamatayang pisikal ay hindi nangangahulugan ng pagkawala
ng tunay na buhay. Para sa ating lahat, ang kamatayan
ay mananatiling kakaiba, matinding karanasan at maaaring
isa sa mga kinatatakutan. Ngunit hindi na ito muling
mangangahulugan na walang halaga ang buhay. Hindi na
ito ang katapusan ng lahat. Para sa atin, ang kamatayan
ay hindi na mangangahulugan na isang tunay na kamatayan.
“Ako
ang muling pagkabuhay at ang buhay.”
Kailan tayo isinilang sa Buhay na ito na hindi kailanman
mamamatay?
Sa sandali ng ating binyag. Sa sandaling iyon, bagamat
bilang tao ay mamamatay rin tayo, tinanggap natin ang
walang hanggang buhay mula kay Kristo. Sa katunayan,
sa binyag ay tinanggap natin ang Banal na Espiritu na
Siyang bumuhay kay Jesus mula sa mga patay.
Ang kondisyon sa pagtanggap ng sakramentong ito ay ang
pananampalataya na ating ipinahayag, o ipinahayag ng
mga ninong at ninang natin. Sa katunayan, noong muling
binuhay si Lazaro, maliwanag na sinabi ni Jesus kay
Marta: “Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay,
ay muling mabubuhay... Pinaniniwalaan mo ba ito?”
(Jn 11:26)
Napakahalaga ng “paniniwalang” ito. Hindi
ito nangangahulugan na tanggapin na lamang ang mga katotohanang
ipinahayag ni Jesus. Ibig din nitong sabihin ay sundan
ito nang buong puso.
Upang magkaroon ng buhay na ito, dapat tayong mag-“oo”
kay Kristo. Ibig sabihin ay sumunod sa Kanyang mga salita,
utos at mamuhay ayon dito. Nangako si Jesus, “Ang
namumuhay ayon sa Aking aral, kailanma’y di makakaranas
ng kamatayan” (Jn 8:51). At ang buod ng mga turo
ni Kristo ay pag-ibig.
Hindi maaaring hindi ka maging maligaya. Taglay mo ang
buhay!
“Ako
ang muling pagkabuhay at ang buhay.”
Ngayong panahong ito na naghahanda tayo sa pagdiriwang
ng Muling Pagkabuhay, magtulungan tayo na papanibaguhin
ang ating pasya at patuloy na pagsisikap na mamatay
sa ating sarili upang si Kristo. ang Panginoong Muling
Nabuhay, ay manahan sa piling natin ngayon pa man.
|