Ang
tatlong aspeto na ating sinimulang talakayin sa serye
ng pagninilay—ang buhay- (komunyon) bahaginan
ng material at ispirituwal na yaman (pula), ang pagpapalaganap
ng buhay- pagkakaisa (orange o kahel) at ang buhay-panalangin
(dilaw) ay kumakatawan sa tatlong biyaya na ating
tinanggap nang tayo’y bininyagan bilang mga
Kristiyano. Sa aspeto ng bahaginan ng ating yamang
materyal at ispirituwal nakikibahagi tayo sa pagiging
hari ni Kristo na siyang Panginoon ng buong sanlibutan.
Ang pagpapalaganap ng buhay na ito o apostolado ay
bilang pakikiisa naman sa pagiging propeta ni Kristo
at ang buhay-panalangin sa kanyang pagiging pari.
Sa ikatlong aspeto, bibigyan natin ng diin na ang
buhay-panalangin, ang pakikibahagi sa buhay-pari ni
Kristo, ay nagiging totoo lamang sa ating pag-aalay
ng mga sakripisyo na kalugod-lugod sa Diyos (1Pt:5).
Sa pagsisikap nating magkaroon ng malalim na ugnayan
sa Diyos at maitaas ang ating buhay kay Kristo (Col
3:1), niyayakap natin kaagad, palagi, at may galak
si Hesus sa anyong nakapako sa krus at pinabayaan
sa lahat ng pagkakataon na makakatagpo natin Siya.
Ito’y maaaring sa anyo ng paghihirap o sa pagsasabuhay
ng mga maka-Kristiyanong kagandahang asal na kadalasan
ay mahirap gawin. Mahirap man ito ngunit kayang gawin
dahil ang gantimpala ay higit na payapang buhay.
Kaya’t maganda na palaging isulong ang buhay-Kristiyano
ng hindi lumilingon pabalik sa dating buhay. Ang hindi
umaabante ay bumabalik paatras sa dating buhay na
walang katuturan. Ang malalim na pagkakilala sa Diyos
na ating minimithi ay di naabot at nakakamtan.
Kaya kailangang pag-ibayuhin ang ating buhay sa araw-araw
upang lalung matutok sa Diyos na Pag-ibig. Sa umaga,
sa ating pagninilay, lagi nating dasalin at imutawi,
“Ngayon, nais kong pagbutihin ang aking buhay”.
Paano pa natin mapapalalim ang ugnayan sa Diyos? Sinabi
ni Chiara Lubich, batay na rin sa kanyang karanasan,
“ang pagmamahal kay Hesus na pinabayaan, palagi,
kaagad at may galak,” ang isa sa pinakatiyak
na pamamaraan. Ang tawag ng kabanalan ay nagangailangan
ng makabayaning pagsasabuhay ng kagandahang-asal sa
pamamagitan ng pagmamahal sa krus tulad ng pagsasabuhay
ng pagtitiyaga, pagtitimpi at kalinisan ng isip at
kalooban.
Mayroon pang isang pamamaraan upang makipag-ugnay
sa Diyos nang mabilisan. Ito ay tipikal sa ispirituwalidad
ng pagkakaisa at isang napakahalagang elemento ng
aspetong ito. Ito ang pagmamahal sa kapwa. Kung lumalago
ang pagmamahal sa kapwa, ang pagmamahal sa Diyos sa
ating kalooban ay lumalago din. Inihalintulad ito
ni Chiara sa isang bagong sibol na puno.
“Mayroon
tayong buhay na panloob at panlabas. Ang bawat isa
ay paglago o pamumulaklak ng bawat isa. Ang bawat
isa ay pagpapayabong ng dahon ng bawat isa. Ibig sabihin
ay ang panloob nating buhay ay pinanalakas ng ating
buhay na panlabas. Kapag inunawa natin ang saloobin
ng kapwa at siya’y minahal, pumapasok din tayo
sa Diyos na nasa ating kalooban. Gayundin, nakakapasok
tayo sa kalooban ng ating kapwa--Diyos- Ako-Kapwa.”
Ito’y isang mundong napakalawak at isang katotohanang
napakalaki ng saklaw. Upang higit nating maunawaan,
ipinaliwanag ni Chiara: “May buhay tayong panloob
(si Hesus sa ating kalooban) at buhay na panlabas
(si Hesus sa kapwa),” na dapat nating mahalin
at paglingkuran.
Ito ay nagpapalago sa ating buhay ispirituwal. Sa
ganitong pananaw, higit na nagniningning ang ispiritualidad
ng pagkakaisa at naghahandog din ng isang makabagong
landasin patungo sa kabanalan.
Patuloy ni Chiara, “Ang banal na Espirtu ang
nagturo nito sa amin, sa liwanag ng kanyang biyaya.
Siya ang nagturo na mismong ang kapwa, na minsa’y
itinuturing nating balakid ang siya mismong magiging
daan sa malalim na ugnayan sa Diyos. Ang kapwa ay
isang pintuan, isang lagusan patungo sa Kanya.
Kaya nga’t nagiging kasanayan ng mga tagasunod
ng buhay na ito ang sining ng pagmamahal na masasabi
nating banal na gawain dahil ito ay posible lamang
maisabuhay dahil sa pagmamahal na ibinuhos ng Banal
na Espiritu sa aming mga puso. Bilang bunga, sa gabi
bago matulog, nararamdaman sa puso ang presensiya
ng Diyos na nag-uumapaw sa pag-ibig, liwanag at kapayapaan.
Dumarating Siya sa ating piling dahil nagbahagi tayo
ng pag-ibig sa kapwa. Sa ganitong uri ng buhay naisasakatuparan
natin ang mga salita at naisin ng Diyos “na
magdasal lagi nang walang patid (Lk 18:1).”
Ipinapaliwanag pa rin ni Chiara kung paaano tayo magdadasal
palagi? Ang maging katulad ni Hesus na palaging nagdadasal
dahil palagi Siyang nagmamahal. Sa tuwing niyayakap
natin ang bawat mukha ni Hesus na pinabayaan at sa
pagmamahal sa kapwa, kaagad nating binubuksan ang
ating puso sa Diyos. Kung handa tayo sa pagmamahal
sa kapwa, nararanasan natin ang malalim na ugnayan
sa Diyos. Ano pa ang nangyayari? Nakikipag-usap tayo
sa Kanya ng tunay na malapit na malapit katulad ng
isang bata sa kanyang ama.
Ganito ang natural na pakikipag-usap sa Kanya. Hindi
rin natin kakaligtaan ang mga dasalin na kinalakihan
natin tulad ng panalangin sa umaga’t gabi, ang
pagsisiyasat sa ating konsiyensiya kung naging tapat
ba tayo sa Diyos, ang Rosaryo, ang Banal na Misa,
ang pangungumpisal dahil nakakatulong ang mga ito
upang higit na mahalin ang Diyos at ang kapwa. Ang
tanging dagdag lamang sa buhay-pagkakaisa ay sama-sama
tayong naglalakbay patungo sa kabanalan.
Jose Aranas