“Sinasabi
ko sa inyo: kung kayo ay may pananampalatayang tulad
ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito:
‘Lumipat ka roon,’ at ito ay lilipat. At
walang bagay na hindi ninyo mapangyayari.” (Mt
17:20)
Gaano kalimit mong nararamdaman na kailangan mo ng isang
tutulong sa iyo, pagkatapos ay nakita mong walang makakatulong
sa iyong kalagayan! Sa sandaling iyon ay napapabaling
ka sa Isa na alam mong mapangyayari ang imposible. May
pangalan ang Isang ito: Siya si Jesus.
Pakinggan mo ang sinasabi Niya:
“Sinasabi
ko sa inyo: kung kayo ay may pananampalatayang tulad
ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito:
‘Lumipat ka roon,’ at ito ay lilipat. At
walang bagay na hindi ninyo mapangyayari.”
Maliwanag na ang mga salitang “ilipat ang bundok”
ay hindi dapat unawain ayon sa salita mismo. Hindi nangako
si Jesus sa Kanyang mga alagad ng kakayahang gumawa
ng kahanga-hangang milagro upang gulatin ang mga tao.
Kung titingnan mo ang buong kasaysayan ng Simbahan,
wala kang makikitang santo – sa aking kaalaman
– na naglipat ng bundok sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang salitang “maglipat ng bundok” ay isang
kasabihan bagama’t may labis na paglalarawan.
Sinasabi ito upang itanim sa isip ng mga alagad ang
katotohanan na kung may pananampalataya, walang bagay
na hindi mapangyayari.
Ang layunin ng bawat himala na ginawa mismo ni Jesus
o sa pamamagitan ng Kanyang mga tagasunod ay upang palawakin
ang Kaharian ng Diyos, ang Ebanghelyo, at ang kaligtasan
ng sangkatauhan. Hindi kinakailangan ang paglilipat
ng bundok upang maganap ito.
Ang paghahambing sa “butil ng mustasa” ay
ginamit upang ilarawan na hindi hinihiling ni Jesus
ang napakalaking pananampalataya, bagkus ay isang tunay
na pananampalataya. Ang tunay na pananampalataya ay
nakaugat lamang sa Diyos at hindi sa sariling lakas
ng isang tao.
Kung may pag-aalinlangan tayo o pasubali sa ating pananampalataya,
ibig sabihin ay hindi pa tunay ang pananalig natin sa
Diyos. Ibig sabihin nito ay mahina pa at hindi mabisa
ang ating pananalig dahil nakabatay pa ito sa pantaong
lakas at katwiran.
Hinahayaan ng taong ganap na nagtitiwala sa Diyos na
kumilos sa kanyang buhay dahil walang imposible sa Diyos.
Ang
pananampalataya na hinihingi ni Jesus mula sa Kanyang
mga alagad ay isang ganap na pagtitiwala na hinahayaan
ang Diyos na ipakita ang Kanyang lakas. Ang pananampalatayang
ito na may kakayahang ilipat ang bundok ay hindi lamang
para sa ilang natatanging tao. Lahat ng sumasampalataya
ay may tungkulin na hayaan ang Diyos na ipahayag sa
kanilang buhay ang Kanyang lakas.
“Sinasabi
ko sa inyo: kung kayo ay may pananampalatayang tulad
ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito:
‘Lumipat ka roon,’ at ito ay lilipat. At
walang bagay na hindi ninyo mapangyayari.”
Ayon sa tradisyon, sinabi ni Jesus ang mga salitang
ito sa Kanyang mga alagad noong sila ay ipapadala na
Niya sa kanilang misyon. Madaling mawalan ng lakas ng
loob at matakot kung alam natin na maliit tayo, hindi
handa, walang kakaibang talino, at nahaharap sa napakaraming
tao kung saan dapat nating ipahayag ang katotohanan
ng Ebanghelyo. Nanghihina tayo dahil nakikita natin
na ang ninanais ng mga taong kaharap natin ay kakaiba
sa kaharian ng Diyos.
Tila ba isang gawaing hindi mangyayari.
Kaya tinitiyak ni Jesus sa Kanyang mga alagad na sa
pamamagitan ng pananampalataya, “maiilipat nila
ang bundok” ng pagwawalang-bahala at kawalang-malasakit
sa mundo. Kung sila ay may pananampalataya, walang hindi
mangyayari sa kanila.
Sa kabilang dako, ang mga salitang ito ay magagamit
sa lahat ng pagkakataon sa buhay, hangga’t ito
ay para sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo at kaligtasan
ng tao.
Kung minsan, kapag nahaharap tayo sa napakalalaking
kahirapan, maaari tayong matukso na huwag nang bumaling
sa Diyos. Ang katwiran ng tao ay, “Sumuko na tayo,
wala namang saysay.”
Ngayon tayo tinatawag ni Jesus na huwag mawalan ng pag-asa,
bagkus ay bumaling nang may tiwala sa Diyos. Tutugon
Siya sa atin, sa anumang paraan.
Ito ang nangyari kay Lella. Ilang buwan na ang nakalipas
mula ng una niyang araw sa bagong trabaho sa Belgium
kung saan ang tanging wika ay “Flemish”.
Puno siya ng pag-asa, ngunit biglang may bumalot na
pangamba at takot sa puso niya.
Tila ba may isang napakataas na hadlang sa pagitan niya
at ng mga kasama niya sa bahay. Pakiramdam niya ay nag-iisa
siya sa paligid nitong mga taong nais lamang niyang
paglingkuran nang may pag-ibig. Ramdam niya ito dahil
kailangan niyang magsalita ng isang wika na hindi kanya
at hindi rin naman ginagamit ng mga kasama niya. Sinabi
nila sa kanya na lahat sa Belgium ay nagsasalita ng
Pranses, kaya’t pinag-aralan niya ito. Ngunit
sa kanyang pakikisalamuha sa kanila ay naunawaan niya
na pinag-aralan ng mga taga-Belgium ang Pranses sa paaralan
ngunit hindi nila ito masyadong ginagamit.
Malimit ay sinikap ni Lella na “ilipat ang bundok”
ng pagkakaiba na naghihiwalay sa kanya sa kanyang mga
kasamahan, ngunit tila walang nangyayari. Ano ang magagawa
niya? Nakikita pa niya ang mukha ng kanyang kasamahang
si Godeliève na punô ng kalungkutan. Nang
gabing iyon ay nagtuloy sa kanyang sariling silid si
Godeliève na hindi kumakain ng hapunan.
Sinundan siya ni Lella, ngunit napatigil siya sa harap
ng pinto dahil sa hiya at takot. Nais niyang kumatok...
ngunit anong sasabihin niya upang ipaliwanag ang sarili?
Nanatili siya roon ng ilang sandali, at pagkatapos ay
sumuko na.
Kinabukasan, nagpunta siya sa simbahan at nanatili siya
sa pinakalikurang upuan, hawak niya ang mukha na nakatungo
upang hindi mapansin ninuman ang kanyang mga luha. Iyon
lamang ang lugar na hindi kinakailangan ang anumang
wika, walang kailangang paliwanag, dahil may Isa na
nakakaunawa sa kabila ng mga salita. Nang makatiyak
na siya na siya ay naunawaan, kinuha niya ang lahat
niyang lakas, at bagamat nahihirapan siya ay tinanong
niya si Jesus, “Bakit hindi ko kayang makibahagi
sa krus ng aking mga kasamahan? Bakit hindi ko masabi
sa kanila ang ipinaunawa Mo sa akin nang matagpuan Kita,
na bawat paghihirap ay pag-ibig?”
Naroon siya sa harap ng tabernakulo, parang naghihintay
ng sagot mula kay Jesus na Siyang nagdala ng liwanag
sa bawat kadiliman ng kanyang buhay.
Binasa niya ang Ebanghelyo ng araw ng iyon at kanyang
nabasa, “Magtiwala, manalig ka, napagwagian ko
ang mundo.” Ang mga salitang ito ay parang pampalubag-loob
at naramdaman niya ang isang dakilang kapayapaan.
Nang umuwi na siya para sa agahan, nakita niya si Annj
na naglilinis. Binati niya ito, sumunod sa kanya at
tinulungan niyang maghanda ng almusal.
Ang unang lumabas ng silid ay si Godeliève. Tumuloy
siya sa kusina para magkape, nagmamadali para walang
makita. Ngunit napatigil siya. Ang kapayapaan ni Lella
ay malakas na nakaantig sa puso niya, higit pa sa anumang
salita.
Nang gabing iyon, nang pauwi na sila na nagbibisikleta,
lumapit si Godeliève kay Lella at nagwika sa
paraang mauunawaan ni Lella, “Hindi mahalaga ang
iyong mga salita. Ngayon, ipinahayag sa akin ng iyong
buhay: higit na mahalaga ang pag-ibig kaysa sa salita.”
Nailipat ang bundok!
|