Ang
pag-ibig ay nagtataas sa atin patungo sa Diyos at
nagbubunga ng ugnayan sa Diyos. Ang aspetong ito ng
buhay-pagkakaisa ay nagsasalamin ng pagibig sa ating
buhay-ispirituwal. Ito rin ay sumasakop sa ispiritualidad
ng buong Focolare at saklaw ang lahat ng personal
at pansama-samang gawain na nagpapahayag nito at nagpapalakas
dito.
Upang maabot natin ang ating mithiin na lahat nawa
ay maging isa, ibig sabihin na tayong lahat ay mabuhay
bilang isang Mistikal na Katawan ni Kristo, kailangang
handa tayong talikdan ang ating pagiging makasarili
kahit na yaong mga bagay na sa tingin natin ay makalangit
at inspirasyon.
Kailangang mawala ang ating pagiging makasarili sa
harap ng kapwa upang mabuhay tayo nang ganap tulad
ni Hesus na nakapako sa krus, pinabayaan, lubos na
nagmamahal. Alam natin na sa krus ang tugatog ng pagmamahal
ng Diyos.
Upang tayo ay maging isang katawan ni Kristo, kailangang
talikdan ng bawat miyembro ang pagiging makasarili,
tulad ng ginawa ni Hesus sa krus. Ito ang ating pinaka-
modelo ng pag-aalay ng sarili sa kapwa. Sa pamamagitan
nito, si Hesus ay muling nabubuhay sa atin, at lumalago
ang kanyang presensiya sa ating piling hanggang sa
puntong ang pagiging makasarili natin ay naglalaho.
Mawiwika natin ang sinabi ni San Pablo, “hindi
na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay
sa akin.” Kaya ang ating modelo, ang ating aklatgabay
ay walang iba kundi si Hesus na pinabayaan sa krus.
Siya rin ang magiging gabay at lakas natin kapag tigang
ang ating buhay-panalangin o kung tayo ay dadaan sa
mga gabi o dilim ng buhay tulad ng mga inilarawan
ng mga Mistikong si San Juan Dela Cruz, Teresa ng
Avila at Santa Teresina ng Niño Hesus. Ngunit
palagi nating tatandaan na sa bawat pagyakap at pagsunod
kay Hesus lalo na sa pagtulad ng siya ay nasa krus
na pinabayaan, tayo rin ay makakakita ng liwanag,
higit tayong nagiging tao at tulad ni Kristo, at may
kapayapaan sa puso. At ang karanasang ito ay di lamang
pinagdadaanan ng isang tao bagkus sama-sama itong
hinaharap dahil hindi natin maaaring iwalay ang ating
karanasan sa iba lalo na tayong mga Kristiyano dahil
bahagi tayo ng Mistikal na katawan ni Kristo.
Sa aspetong ito, ang mga kataga ng buhay na gabay
ay galing kay San Lucas 10:42: “isa lamang ang
mahalaga”— walang iba kundi ang pagmamahal
sa Diyos. Ang mahalin ang Diyos ay sapat na. Ang lahat
ng mga susunod na bunga ay risulta lamang ng pag-ibig
sa Kanya.
Dito papasok ang kahalagahan ng mga gawaing-ispirituwal
tulad ng pananalangin.
Kaya di dapat nating kalimutang gawin ang mga ito
dahil ito ang nagpapalakas sa atin. Mawawalang saysay
ang ating buhay kung hindi ito nakaugat sa buhay-ugnayan
sa Diyos. Para tayong isang “maingay na pompyang”
lamang sa paglalarawan ni San Pablo.
Ang pagiging tapat sa mga gawaing ispirituwal tulad
ng panalangin sa umaga’t gabi, Santa Misa, rosaryo
ay di panloloko sa ating mga sarili dahil tayo ay
kumakapit lamang sa Diyos at hindi sa ano pa mang
bagay na lumilipas. Tinutulungan tayong makaabot sa
finish line, ang oras ng ating kamatayan kung saan
tayo ay mag-iisa sa harap ng ating Mahal, sa harap
ng Diyos.
Makikita rin natin ang kahalagahan ng pagtalima sa
buhay-panalangin kung tayo ay nahaharap sa mga tukso,
at mga mahihirap na sitwasyon. Matindi itong suporta
lalo na sa oras ng kahirapan sa buhay. Sa pakikipag-ugnayan
sa Diyos nakakakuha tayo ng lakas lalo na sa oras
ng kawalang pag-asa, at sa pagdaan natin sa madidilim
na yugto ng buhay hanggang sa masinagan nating muli
ang liwanag ng buhay.
Isa pang mahalagang aspeto ng buhay na ito ay ang
formation o ang paghuhubog sa buhay-ispirituwal.
Kaya sa inspirasyon ng banal na Espirito, naitatag
ang mga Mariapolis Centers, o mga Mariapolis o siyudad
ni Maria na ngayon ay mahigit sa 30 na sa buong mundo.
Dito maaring makatanggap ng praktical na paghuhubog
sa buhay- Kristiyano lalo na sa buhay-pagkakaisa at
ugnayan sa Diyos at kapwa. Ang sarisaring tao—maging
pulitiko, kabataan, mag-asawa, pari at seminarista,
mga relihiyoso/a ng iba’t ibang lahi at mga
antas ng buhay ay maaring manirahan dito. Ang maganda
pa sa mga Formation centers na ito ay alam mong may
kasama ka patungo sa Diyos, dahil ang mga komunidad
na ito ay sama-samang nagpapanatili ng presensiya
ni Kristo sa kanilang piling sa pamamagitan ng pagsasabuhay
ng batas ng Diyos, ang batas ng Pag-ibig…
Jose
Aranas