“Ako
ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y
maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makakatagpo
ng pastulan.” (Jn 10:9)
Ipinapakilala ni Jesus ang sarili Niya na Siyang magsasakatuparan
ng mga makalangit na pangako at mga inaasahan ng mga
Israelita. Ang kasaysayan nila ay may tandâ ng
kasunduan sa Diyos na hindi kailanman nasira.
Ang larawan ng pintuan ay katulad at higit na maipapaliwanag
ng isa pang larawan na ginamit ni Jesus: “Ako
ang daan... Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan
ko” (Jn 14:6). Siya ang tunay na daàn,
isang bukas na pintuan patungo sa Ama, sa Diyos.
“Ako
ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y
maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makakatagpo
ng pastulan.”
Ano ang ibig sabihin nitong Kataga ng Buhay? May ilan
pang nakasulat sa Ebanghelyo na may parehong pakahulugan
sa sinabi ni San Juan. Pagnilayan natin itong “makipot
na pintuan”, na dapat nating pagsikapang pasukan
(tingnan Mt 7:13) upang makapasok sa buhay.
Bakit natin pinili ang katagang ito? Pakiramdam natin
ay ito ang pinakamalapit sa katotohanan na ipinahayag
ni Jesus tungkol sa sarili Niya. Tinutulungan tayo nito
na higit itong isabuhay.
Kailan Siya naging bukas na pintuan at ganap na bukas
sa Banal na Santatlo? Nang sandaling tila sarado ang
pintuan ng langit para sa Kanya, si Jesus ang naging
pintuan patungo sa langit para sa ating lahat.
Si Jesus na Pinabayaan (tingnan Mk 15:34 at Mt 27:46)
ang pintuan kung saan nangyayari ang ganap na pagpapalitan
ng Diyos at ng sangkatauhan. Sa paglimot Niya sa sarili,
pinag-isa Niya ang mga anak sa Ama. Sa pamamagitan nitong
paglimot sa sarili (ang pagbukas ng pintuan), tayo ay
nakaka-ugnay ng Diyos at ang Diyos sa atin.
Kaya’t Siya ang makipot, gayundin ang malawak
at bukas na pintuan, at nararanasan natin ito.
“Ako
ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y
maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makakatagpo
ng pastulan.”
Noong maramdaman Niya na Siya ay Pinabayaan, si Jesus
mismo ang naging pintuan natin patungo sa Ama. Ginawa
Niya ang kanyang bahagi. Ngunit upang maging mabunga
ang dakilang biyayang ito, dapat gawin ng bawat isa
ang kanyang bahagi. Ibig sabihin ay lumapit tayo sa
pintuan at pumasok dito.
Paano? Kapag tayo’y naghihirap dahil sa kabiguan
o may isang bagay na masakit, o kaya ay may di-inaasahang
kamalasan o di-maipaliwanag na pagkakasakit, alalahanin
natin ang paghihirap ni Jesus na naranasan ang lahat
na pagsubok na ito at higit pa.
Oo, naroroon Siya sa lahat ng uri ng paghihirap. Bawat
paghihirap natin ay larawan ni Jesus.
Subukan nating kilalanin si Jesus sa bawat paghihirap,
sa mabibigat na kalagayan sa buhay, sa bawat sandali
ng kadiliman, sa mga pagsubok sa ating personal na buhay
at sa buhay ng iba, sa paghihirap ng sangkatauhan. Lahat
ito ay mukha ni Jesus na Pinabayaan, dahil inangkin
Niya ito.
Sapat na sabihin natin sa Kanya, nang may pananampalataya,
“Ikaw, o Panginoon, ang tangi kong kabutihan”
(Awit 16:2). Sapat na gumawa tayo ng kongkretong bagay
upang maibsan ang “Kanyang” paghihirap sa
mga dukha at nalulungkot, upang pumasok sa pintuan at
matagpuan ang kaligayahan sa kabila nito, isang kaligayahang
hindi pa natin nararanasan, isang bagong kaganapan ng
buhay.
Chiara Lubich
|