Mula
ika-18 hanggang ika-25 ng Enero, ang Linggo ng Panalangin
para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano ay ipinagdiriwang
sa maraming bahagi ng mundo, samantalang ipinagdiriwang
naman ito ng iba sa Araw ng Pentecostes.
Maaalala natin na laging ipinapaliwag ni Chiara ang
Kataga ng Buhay batay sa Salita ng Diyos na siyang paksa
ng pagdiriwang na iyon.
Ang Salita ng Diyos ngayong Linggo ng Panalangin sa
taong ito ay: “Kayo ang mga saksi sa mga bagay
na ito” (Lc 24:48). Upang tulungan tayong isabuhay
ito, iminumungkahi namin itong sinulat ni Chiara bilang
isang “mahalagang panawagan” sa ating mga
Kristiyano upang sama-samang magpatotoo sa pananahan
ng Diyos sa mundo.
“Mananahan
ang Diyos na kasama nila at sila’y magiging bayan
niya.” (Pah 21:3)
“Ngayon,
ang tahanan ng Diyos ay nasa piling ng mga tao! Mananahan
siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya.
Makakapiling nila nang palagian ang Diyos.” (Pah
21:3)
Ang Kataga ng Buhay ngayong buwang ito ay isang panawagan:
kung nais nating maging bayan ng Diyos, hayaan natin
manahan Siya sa piling natin.
Paano ito mangyayari? Ano ang ating magagawa upang maranasan,
kahit dito pa man sa lupa, ang walang-hanggang kaligayahan
dahil nakita na natin ang Diyos?
Iyan mismo ang nais ipahayag sa atin ni Jesus. Ito ang
tunay na kahulugan ng Kanyang pagparito sa lupa: ipahayag
sa atin ang Kanyang buhay ng pag-ibig kasama ng Ama,
upang maisabuhay din natin ito.
Tayong mga Kristiyano ay maaaring magsabuhay ng salitang
ito ngayon pa man, at maranasan ang pananahan ng Diyos
sa piling natin. Ngunit kinakailangang matugunan natin
ang ilang kundisyon upang manahan Siya sa atin, tulad
ng pinagtibay ng mga Ama ng Simbahan. Para kay Basilio,
ang mahalagang kundisyon ay mamuhay tayo ayon sa kalooban
ng Diyos. Para kay Juan Crisostomo, ito ay ang mahalin
ang kapwa tulad ng pag-ibig ni Jesus. Para kay Teodoro,
kailangan ay ang pagmamahalan. At para kay Orihen, mahalaga
ang pagkakaisa sa isip at sa damdamin, upang makarating
sa kasunduan na “bumubuo ng pagkakaisa at taglay
ang Anak ng Diyos.”
Upang manahan ang Diyos sa piling natin, ang susi ay
matatagpuan sa mga turo ni Jesus: “Kung paanong
inibig ko kayo, gayundin naman, mag-ibigan kayo”
(Jn 13:34). Ang pagmamahalan ang susi sa presensya ng
Diyos. “Kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin
siya,” (1Jn4:12) “Sapagkat saanman may dalawa
o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama
nila”(Mt 18:20), sabi ni Jesus.
“Mananahan
ang Diyos na kasama nila at sila’y magiging bayan
niya.”
Kaya’t darating at hindi nalalayo ang kaganapan
ng mga pangako ng Lumang Tipan – “Ako’y
mananatiling kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging
Diyos nila, sila ay magiging bayan ko” (Ez 37:27).
Ang lahat ay naganap na kay Jesus. Siya ay patuloy na
nananahan kahit pagkatapos ng Kanyang pananahan dito
sa lupa kapiling ng mga taong namumuhay ayon sa bagong
batas ng pagmamahalan na siyang pamantayan ng kanilang
pagiging isang bayan, ang bayan ng Diyos.
Itong Kataga ng Buhay ay isang mahalagang panawagan,
lalo’t higit sa ating mga Kristiyano, na sa pamamagitan
ng pag-ibig ay magpapatotoo tayo sa presensya ng Diyos.
“Kung kayo’y nagmamahalan, makikilala ng
lahat na kayo’y mga alagad ko” (Jn 13:35).
Ang pagsasabuhay ng bagong utos ni Jesus ang batayan
ng presensya ni Jesus sa Kanyang bayan.
Wala tayong magagawa kung hindi tiyak ang Kanyang presensya.
Ito ay isang presensya na nagbibigay-kahulugan sa makalangit
na kapatiran na dinala ni Jesus dito sa lupa para sa
buong sangkatauhan.
“Mananahan
ang Diyos na kasama nila at sila’y magiging bayan
niya.”
Una sa lahat, tungkulin natin, bagamat tayo’y
kabilang sa magkakaibang sambayanang Kristiyano, na
ipakita sa mundo ang “iisang bayan” na binubuo
ng iba’t ibang lahi at kultura, bata at matanda,
malusog at maysakit. Isa itong bayan na tunay na maglalarawan
tulad ng mga unang Kristiyano: “Tingnan ninyo
kung paano sila magmahalan; handa nilang ibigay ang
kanilang buhay para sa isa’t isa.”
Ito ang “himala” na inaasahan ng sangkatauhan
upang muling umasa. Mahalaga itong tulong sa pagsulong
ng ekumenismo, ang paglalakbay tungo sa ganap at nakikitang
pagkakaisa ng mga Kristiyano. Isa itong “himala”
na kaya nating maabot. Higit dito, isa itong “himala”
ng Diyos na nananahan sa mga nagkakaisa sa Kanyang pag-ibig
at may kakayahang baguhin ang kapalaran ng mundo at
dalhin ang sangkatauhan tungo sa pagkakaisa.
|