HOME ··· ABOUT ··· ARCHIVES ··· SUBSCRIBE··· SHOP ··· CONTACT
 
 
PAGNINILAY

New City Magazine - January 2010

HINDI SAPAT ANG NAG-IISANG SIYUDAD

 
 

Kung nais mong mapagtagumpayan ang isang siyudad sa pag-ibig ni Kristo… Kung nais mong baguhin ang isang siyudad upang maging Kaharian ng Diyos… Una sa lahat, balangkasin mo ang isang plano.

Ipunin mo sa iyong paligid ang mga kaibigang nakikibahagi sa iyong damdamin.

Magkaisa kayo sa ngalan ni Kristo, at hilingin mo sa kanilang ilagay ang Diyos higit sa lahat.

Pagkatapos ay sumumpa nang sama-sama: mangako kayo sa isa’t isa na magmamahalan kayo nang walang hanggan, upang ang Mananakop ng daigdig ay mamalagi sa inyong piling at maging inyong pinuno; at upang kung ang inyong pagka-makasarili ay ganap nang nawasak ng pag-ibig, ang bawat hakbang n’yo ay papatnubayan, ang bawat luha ninyo ay tutuyuin ng Ina ng Tapat na Pagmamahal.

Pagkatapos ay sukatin ang siyudad.

Hanapin ang pinunong ispirituwal nito.

Makipagkita sa kanya kasama ang iyong mga kaibigan. Ihain ang inyong mga plano sa kanya, at kapag hindi siya nagbigay ng pahintulot, huwag man lang gumawa ng anumang hakbang, dahil sa halip ay masisira n’yo lamang ang lahat. Kung kayo ay kanyang pagpayuhan at bigyan ng ilang mga alituntunin, tanggapin ninyo ito bilang isang kautusan, at gawin itong paalala para sa iyo at sa iyong mga kaibigan. Ipabatid sa kanya ang inyong katapatan, dahil ito ay inutos ni Kristo, at alukin siya ng inyong tulong sa kanyang malaking pananagutan sa pamamagitan ng iyong pagbabahaging ispirituwal.

Hanapin ang mga pinakamahihirap, mga aba, mga iniwanan, mga ulila, mga nakakulong. Salubungin silang magkakasama. Dalawin si Kristo sa kanila nang walang pasubali upang aliwin sila, ipaalam sa kanila na malapit sa kanila ang pag-ibig at pagkalinga ng Diyos.

Kung may nagugutom, magdala ng pagkain. Kung may walang saplot, magdala ng damit. Kung wala kang pagkain o damit, hilingin ito sa Amang Makapangyarihan nang may pananampalataya, dahil ang mga ito ay kailangan para sa kanyang anak na si Kristo – na ninanais mong pagsilbihan sa bawat kapwa tao. At maririnig ka Niya.

Puno ng mga kabutihang ito, maglakad sa mga lansangan, umakyat sa tuktok ng mga gusali at bumaba sa mga silong. Hanapin si Kristo sa mga lugar na pribado at publiko, sa mga istasyon, sa mga riles ng tren, sa mga lugar ng mahihirap, at pasayahin siya sa pamamamgitan ng iyong pagngiti.

Pangakuan siya ng pag-ibig na walang hanggan, upang maabot ng iyong panalangin at paghihirap, kaisa sa mga pagpapakasakit ni Kristo sa Krus, ang mga lugar na hindi mo mapuntahan.

Huwag mong iwanang mag-isa ang sinuman, at huwag maging madamot sa iyong mga pangako, dahil ikaw ay naroon sa ngalan ng Maykapal. Habang pinapasaya mo ang Diyos sa iyong mga kapatid, magaabala ang Diyos sa pagbibigay sa iyo at sa iyong mga kaibigan ng mga handog na makalangit. Pagbahaginan ninyo ang mga handog na ito upang hindi maglaho ang liwanag at mabawasan ang pagmamahalan.

Kung determinado ang inyong gawa at asal, at kung ang inyong pananalita ay puno ng karunungan, marami ang magiging inyong tagasunod. Paghatiin ang mga taong ito sa mga grupo upang, kasama nila, inyong mabigyan ng buhay ang siyudad na ninanais ninyong mapagtagumpayan sa pamamagitan ng pag-ibig.

Chiara Lubich


 

 
 
 
New City Philippines Edition
Tagaytay City · Philippines
All Rights Reserved © 2007
Web Design by HDESIGNS