“Ipagbili
ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha!
Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok
ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat
doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang
makapaninirang tànga.” (Lc 12:33)
Kabataan ka ba at nangangarap ng isang buhay na may
mataas na mithiin, ganap na pananagutan at radikal na
pagbabago? Makinig ka kay Jesus, dahil walang sinuman
sa mundo ang hihingi sa iyo ng higit pa. Ito ang pagkakataon
na patunayan ang iyong pananampalataya, kagandahang-loob
at kagitingan.
May sapat ka bang gulang at naghahanap ng maayos na
pamumuhay na may halaga at paninindigan, na hindi ka
bibiguin? O may edad ka na at nais mong ibigay ang mga
huling taon ng buhay mo sa isang hindi manloloko, at
mamumuhay ka na walang inaal
ala? Ang mga salitang ito ni Jesus ay para sa iyo.
Ito ang katapusan ng sunod-sunod na mga pangaral kung
saan hinihingi ni Jesus na huwag mag-alala tungkol sa
kakainin o susuotin, bagkus ay tingnan ang mga ibon
sa langit na hindi naghahasik, at ang bulaklak sa parang
na hindi humahabi. Alisin sa puso ang lahat ng pagkabalisa
sa mga bagay dito sa lupa. Ang Ama mismo ang mag-aalaga
sa iyo dahil mahal ka Niya nang higit pa sa mga ibon
at bulaklak.
Kaya’t sinasabi sa iyo ni Jesus,
“Ipagbili
ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha!
Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok
ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat
doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang
makapaninirang tànga.”
Hinihingi ng Ebanghelyo, sa kabuuan nito at sa bawat
salitang taglay nito, ang buo mong sarili at lahat ng
iyong ari-arian.
Bago dumating si Kristo dito sa mundo, hinding-hindi
humingi ng sukdulan ang Diyos. Sa Lumang Tipan, ang
mga kayamanan sa lupa ay kinikilala bilang isang mabuting
bagay, isang biyaya mula sa Diyos. Kailangang magbigay
ng limos sa nangangailangan, isa itong paraan upang
makamit ang pagpapala ng Diyos na Makapangyarihan.
Paglipas ng panahon, naging pangkaraniwan para sa mga
Judyo ang kaisipan ng isang gantimpala sa kabilang buhay.
May isang hari, na binigyan ng matinding babala dahil
nilustay niya ang lahat niyang ari-arian, ang nagsabi,
“Nag-ipon ang aking mga ninuno ng kayamanan para
sa buhay dito sa lupa, ngunit ako ay nag-ipon ng kayamanan
para sa susunod na buhay.”
Kakaiba ang mga salita ni Jesus dahil humihingi Siya
ng ganap na handog. Hinihingi Niya sa iyo ang lahat.
Ayaw ni Jesus na pagtuunan lang natin ng pansin ang
mga bagay dito sa mundo. Nais Niya na sa Kanya lang
tayo umasa.
Alam Niya na ang mga kayamanan dito sa lupa ay malaking
hadlang dahil maaaring ito ang sumakop sa puso natin.
Nais ni Jesus na sa Kanya lamang mapabilang ang puso
natin.
Kaya inuulit Niya sa atin:
“Ipagbili
ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha!
Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok
ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat
doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang
makapaninirang tànga.”
Kung hindi natin maaalis ang ating mga ari-arian dahil
sa ating pamilya o ibang pananagutan, o kaya’y
hinihiling ng ating katungkulan sa lipunan ang isang
uri ng pamumuhay, iminumungkahi dito na kahit sa paraang
espiritwal ay kumalas tayo sa mga bagay na ito. Tayo
ay mga tagapamahala lamang ng kayamanang ito. Sa ganitong
paraan, kahit may kayamanan ay maaari pa rin tayong
magmahal ng kapwa. Sa pamamahala nito, magtitipon tayo
ng kayamanan na hindi maaaring sirain ng tànga
o kunin ng magnanakaw.
Paano tayo makatitiyak kung ano ang ating kikipkipin
at ano ang ating ipapamigay? Makinig tayo sa tinig ng
Diyos sa ating puso. At kung hindi ka makapagpasya,
humingi ka ng payo sa iba. Matutuklasan mo na marami
kang sobra sa iyong mga ari-arian. Huwag mo itong itago.
Magbigay. Magbigay sa mga wala. Isabuhay mo ang mga
salita ni Jesus, “Ipagbili… at magbigay.”
Kung ganito ang gagawin mo, pupunuin mo ang lukbutan
ng mga bagay na hindi lilipas.
Dahil ikaw ay nasa mundo, makatwiran lang na isipin
mo ang pera at materyal na bagay. Ngunit ayaw ng Diyos
na mabahala ka tungkol dito. Isipin mo lamang kung paano
magkakaroon ng sapat na halaga upang mamuhay ayon sa
iyong pangangailangan. At sa sobra:
“Ipagbili
ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha!
Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok
ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat
doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang
makapaninirang tànga.”
Tunay na dukha si Papa Pablo VI. Isang patunay ay ng
ninais niyang ilibing sa isang simpleng kabaong sa lupa.
Bago namatay ay sinabi niya sa kanyang kapatid, “Matagal
nang handa ang aking maleta para sa mahalagang paglalakbay
na ito.”
Ito rin ang dapat nating gawin, ihanda natin ang ating
maleta.
Noong panahon ni Jesus, tinatawag itong lukbutan, ibig
sabihin ay maliit na bag.. Ihanda mo ito araw-araw.
Punuin mo ito ng mga bagay na mahalaga para sa kapwa.
Tunay na pag-aari mo ang mga bagay na ibinibigay mo.
Isipin mo kung gaano kalaki ang gutom dito sa mundo,
malaking paghihirap, maraming pangangailangan…
Ilagay mo rin sa iyong maleta ang bawat pag-ibig at
kabutihan na ginagawa mo sa kapwa.
Gawin mo ang lahat para sa Diyos, at sabihin mo sa iyong
puso, “Ito ay para sa Iyo.” Ganap mong tupdin
ang bawat gawain, dahil nakatakda ito sa langit. Mananatili
ito sa buhay na walang hanggan.
|