Ano
ba ang lihim ng isang matagumpay na apostolado? Wala
ng iba kung hindi ang mahalin ang Diyos ng lubusan.
Napakahalaga ng ganitong disposisyon—Ang pagpili
sa Diyos bilang natatanging pag-ibig ng ating buhay.
Ang Diyos ng Pag-ibig ang pinipili nating ibigin,
kaya’t kalakip ng pagmamahal sa Kanya ang pagmamahal
sa kapwa. Kung ibababad natin ang ating mga sarili
sa Kanya, matutuklasan natin na ang Diyos ang tunay
na buhay.
Upang
maging buhay tulad Niya, kailangan, tayo’y maging
pag-ibig din. Pag-ibig ang naghahari sa lahat ng bagay
at buhay dito sa mundo. Ito rin ang dahilan kung bakit
naaakit pa rin tayo sa mga tunay na nagsasabuhay ng
Ebanghelyo lalo na sa mga nagsasabuhay ng Bagong Utos
ni Kristo.
Hindi
naghihintay o nagnanais ng anumang kapalit ang pag-ibig
na ito. Nagmamahal tayo ng kapwa hindi dahil gusto
nating malapit sila sa Diyos, napakagandang layunin,
ngunit nagmamahal tayo ng kapwa dahil sa mahal natin
ang Diyos, at tinutupad natin ang nais niya dahil
mahal natin Siya.
Kung
ganito ang ating pag-ibig, maihahalintulad ito sa
isang magnet na humihila sa iba at nakapagtataguyod
ng mga sambayanang kristiyano tulad ng buhay ng mga
unang kristiyano.
Ganito
ang karanasan ni Natalia Dallapiccolla, ang kauna-unahang
tagasunod ni Chiara Lubich nang itinatag niya ang
Focolare Movement. Tulad ni Chiara, pinili rin ni
Natalia na mahalin at italaga ang buong buhay niya
sa Diyos ng Pag-ibig. Habang lumalago ang Focolare,
katuwang ni Chiara si Natalia sa paglago ng samahang
kristiyanong ito.
Sa
kapanahunan ng pamamahala ng mga komunista sa Silangang
Germania, naatasan ni Chiara si Natalia na pumunta
roon. Bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, pumunta
siya na may kasamang mga doktor. Hindi naging madali
ang pagpasok ni Natalia sa Germania, nanilbihan siya
bilang alalay at katulong nila, siniyasat siya ng
mga pulis at ikinulong pa.
Tinanggap
niya itong lahat bilang kalooban ng Diyos. Dalawang
linggo ang itinagal niya sa kulungan ng Berlino. Sinabi
niya na ang mahalin ang lahat ng tao dito sa kulungan
ang gagawin kong pag-iingat. Naging kaibigan niya
halos lahat sa kulungan, pati ang bantay na guwadiya.
Nag-boluntaryo
siyang gawin ang trabaho ng kasamahan niyang buntis
sa paglilinis ng kulungan dahil napansin niyang naghihina
ito. Minahal siya ni Natalia hanggang sa dulo ng kanyang
buhay. Tinulungan niya ito sa pag-aalaga ng kanyang
sanggol hanggang sa kunin siya ng sakit na leukemia.
Walang
masabing masama ang mga komunista laban kay Natalia.
Hinayaan nila siyang tulungan ang mga tao, tulad na
lamang ng pagtulong nila sa mga may sakit at ng pagtatayo
nila ng klinika sa Lipsia. Masugid na minatyagan ng
mga komunista si Natalia at ang mga kasamahan niya
sa Focolare, ngunit patuloy silang hinayaan sa kanilang
gawain.
Matinding
pag-iingat ang ginawa nila sa pamamamguitan ng pagmamahal
sa mga komunista; at dito nagsimulang kumalat ang
pagsasabuhay ng diwa ng pagkakaisa sa Silangan Europa.
Ang sikreto ni Natalia? Ang ibigin ang kapwa dahil
sa matinding pagmamahal sa Diyos ng Pag-ibig.
Jose
Aranas