| “Ang
iyong mata ang pinakailaw ng iyong katawan. Kapag malinaw
ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan.”
(Lk 11:34)
Gaano man kadami ang nakakatagpo natin sa maghapon,
mula umaga hanggang gabi, subukan nating makita si Jesus
sa bawat tao.
Kung simple ang ating mata, ang Diyos ang tunay na nakakakita
sa pamamagitan nito. Ang Diyos ay Pag-ibig, at nais
ng pag-ibig na bumuo ng pagkakaisa sa pamamagitan ng
pamamayani nito sa kalooban ng iba.
Marami ang nagkakamali na tingnan ang mga tao at mga
bagay upang angkinin sila. Maaaring ito’y dahil
sa makasariling pagtingin, o sa inggit. Subalit kahit
anupamang dahilan, ito ay kasalanan. O kaya naman ay
tumitingin sila sa sariling kalooban upang ito ay ariin
bilang isang yaman. Ngunit walang buhay ang mukha nila
dahil sila’y nababagot o nababagabag.
Ang kaluluwa ay larawan ng Diyos, kaya’t ito rin
ay pag-ibig. Ngunit ang pag-ibig na nakatuon lang sa
sarili ay tulad ng apoy na kapag hindi ginagatungan
ay namamatay.
Tumingin ka sa iyong paligid, hindi sa iyong sarili,
hindi sa mga bagay, hindi sa mga tao. Tingnan mo ang
Diyos sa iba upang makipag-ugnay sa Kanya.
Nananahan Siya sa kaibuturan ng bawat buhày na
kaluluwa. At kung ito ay patay, ang kaluluwang iyon
ay isang tabernakolo ng Diyos na naghihintay sa Kanya
bilang kaligayahan at kaganapan ng kanyang buhay.
Kaya’t tingnan mo ang bawat tao nang may pag-ibig.
Magmahal, ibig sabihin ay, magbigay. Dahil ang isang
handog ay nag-aanyayang tugunan din ng isang handog,
ikaw din ay susuklian ng pagmamahal.
Kung sa gayon, ibig sabihin ng pag-ibig ay magmahal
at ang mahalin din: tulad sa Banal na Santatlo.
Ang Diyos sa iyo ang aakit sa mga puso at magsisindi
ng buhay ng Santatlo sa kanila, na maaaring nasa kanila
na sa pamamagitan ng biyaya, ngunit hindi ito buhày.
Hindi ka maaaring magsindi ng ilaw sa kwarto –
kahit may koryente – hangga’t hindi magkadikit
ang dalawang dulo ng kawad.
Gayundin ang buhay ng Diyos sa atin. Kailangan itong
lumaganap upang magbigay ng liwanag at magbigay-patotoo
kay Kristo, Siya na nagbubuklod ng langit at lupa, at
ng mga tao sa isa’t isa.
Kaya’t tingnan mo ang bawat tao. Ibigay mo ang
iyong sarili sa kanila bilang pagbibigay ng iyong sarili
kay Jesus, at si Jesus ang magbabalik nito sa iyo. Iyon
ang batas ng pag-ibig. “Magbigay ka at ikaw ay
bibigyan” (Lc 6:38)
Bilang pagmamahal kay Jesus, hayaan mong angkinin ka
ng iyong kapwa. Tulad ng Banal na Eukaristiya, hayaan
mong “kainin” ka ng kapwa mo. Ilagay mo
ang buong sarili sa paglilingkod sa kanila; ito ay paglilingkod
sa Diyos. At lalapit sa iyo ang kapwa mo at mamahalin
ka. Ang pag-ibig sa kapwa ang kaganapan ng bawat niloloob
ng Diyos, na matatagpuan sa Kanyang utos: “Isang
bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo”
(Jn 13:34).
Ang pag-ibig ay isang Apoy na pumapasok sa mga puso
at ganap itong pinag-iisa.
Kaya’t hindi mo na makikita ang sarili mo, hindi
rin ang iyong kapwa. Matatagpuan mo ang Pag-ibig, ang
Diyos na nabubuhay sa iyo.
Ang Pag-ibig ang magmamahal sa iyong kapwa. Dahil simple
na ang iyong mga mata, matutuklasan mo ang iyong sarili
sa kanila, at lahat ay magiging isa.
Sisibol sa paligid mo ang isang sambayanan: tulad ng
sa paligid ni Jesus ay natipon ang labindalawa, pitumpu’t
dalawa, libo-libong tao...
Kahanga-hanga ang Ebanghelyo – dahil ito ay Liwanag
sa pag-ibig – kaya’t ito’y nakakabighani
at nakakaakit.
Pagkatapos ay maaaring ipako ka sa krus, tulad ng Panginoon.
Ngunit mamamatay ka na nagbibigay-buhay sa nagpako sa
iyo sa krus, kaya’t pag-ibig pa rin ang magwawagi
sa katapusan.
Ngunit ang ugat na dinaluyan ng dugo, na ibinuhos at
ibinigay sa maraming puso, ay hindi mamamatay.
Magbubunga ito, dahil maghahasik ng kaligayahan at kapayapaan,
at magbubukas sa Paraiso.
At ang kaluwalhatian ng Diyos ay lalaganap.
Ngunit dito sa lupa, dapat tayong maging ganap na Pag-ibig.
|