“…nagtungo si Jesus sa isang ilang na pook
at nanalangin.” (Mk 1:35)
Punong-puno
ang araw na iyon para kay Jesus sa bayan ng Capernaum!
Nagsalita Siya sa sinagoga at namangha ang lahat sa Kanyang
turo. Pinalaya Niya ang isang lalaking inaalihan ng masamang
espiritu. Mula sa sinagoga, Siya ay nagtuloy sa bahay
nina Simon at Andres kung saan pinagaling Niya ang biyenan
ni Simon. Pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat
ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo. Pinagaling
Niya ang maraming maysakit at nagpalayas Siya ng mga demonyo
(tingnan Mk 1:21-24).
Pagkatapos ng isang punong-punong araw
at gabi, madaling araw pa’y bumangon na si Jesus at lumabas
ng bahay.
“…nagtungo si Jesus sa isang
ilang na pook at nanalangin.”
Hinahanap-hanap
Niya ang buhay ng langit. Mula doon, Siya ay naparito
sa lupa upang ipahayag ang pag-ibig ng Diyos para sa atin,
buksan ang daan patungo sa langit at makibahagi sa ating
buhay. Naglakbay Siya sa buong Palestina para magturo
sa lahat, pagalingin ang lahat ng uri ng sakit at hubugin
ang mga alagad.
Ngunit
ang lakas na nagbibigay-buhay na dumadaloy tulad ng “dagat
ng buhày na tubig mula sa Kanyang puso” (Jn 7:37-38),
ay galing sa Kanyang ugnayan sa Ama. Siya at ang Ama ay
nagmamahalan at kilala ang isa’t isa. Si Jesus ay nasa
Ama at ang Ama ay nasa Kanya dahil Sila ay iisa” (tingnan
Jn 10:15,30,38).
Para kay Jesus, Ang Ama ay “Tatay”, ang ama na Kanyang
mapapagbalingan nang walang-hanggang pagtitiwala at walang-sukat
na pag-ibig.
“…nagtungo si Jesus sa isang
ilang na pook at nanalangin.”
Dahil
naparito sa lupa ang Anak ng Diyos para sa atin, hindi
sapat sa Kanya na manatiling nag-iisa sa ganitong natatanging
ugnayan sa panalangin. Noong namatay Siya para sa atin
at iniligtas tayo, ginawa Niya tayong mga anak ng Diyos
at Kanyang mga kapatid.
Kaya’t
maaari rin tayong tumawag sa Ama tulad Niya, “Abba, Tatay,”
kasama ang lahat ng ibig nitong sabihin: katiyakan ng
kanyang pagkalinga, kaligtasan, ganap na pagtitiwala sa
kanyang pag-ibig, banal na pang-aliw, lakas at alab –
ang alab na mula sa pusong nakakatiyak na siya ay minamahal.
Sa sandaling
pumasok tayo sa katahimikan ng ating “panloob na silid”
(Mt 6:6), sa ating kaluluwa, maaari na tayong makipag-usap
sa Kanya, sambahin Siya, ipahayag ang pag-ibig natin sa
Kanya at pasalamatan Siya. Maaari din tayong humingi ng
tawad sa Kanya, at ipagkatiwala sa Kanya ang lahat ng
ating pangangailangan at ng sangkatauhan, gayundin ang
ating mga pangarap at pag-asa. Hindi ba’t masasabi natin
lahat ito sa Kanya na labis na nagmamahal sa atin at kayang
gawin ang lahat ng bagay?
Maaari
din tayong makipag-usap sa Salita mismo, kay Jesus. Higit
sa lahat, maaari nating pakinggan ang Kanyang tinig at
hayaan ulitin Niya sa atin: “Huwag kayong matakot, si
Jesus ito” (Mk 6:50). “Ako’y laging kasama ninyo hanggang
sa katapusan ng sanlibutan” (Mt 28:20). Inaanyayahan din
Niya tayo na sundan Siya, “Sumunod ka sa akin” (Mt 19:21).
“Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa
nito” (Mt 18:22). Gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig
ninyong gawin nila sa inyo” (Mt 7:12).
Maaaring
mahaba o maiksi at malimit ang ganitong usapan sa maghapon,
na parang isang sulyap ng pag-ibig na iniuukol sa Kanya,
isang pagbulong sa Kanya, “Ikaw ang tangi kong kabutihan”
(tingnan Awit 16:2).” “Iniaaalay ko sa Iyo ang aking gawain.”
Hindi tayo maaaring kumilos nang hindi nagdarasal. Hindi
tayo maaaring mabuhay nang hindi humihinga, at ang pagdarasal
ay ang hininga ng ating kaluluwa na nagpapahayag ng ating
pag-ibig sa Diyos.
Sa pamamagitan
ng usapang ito at ng ugnayan ng pag-ibig, tayo ay mananariwa
at magiging handang harapin ang ating pang-araw-araw na
buhay nang may bagong lakas at tiwala. Matutuklasan natin
ang isang higit na tunay na ugnayan sa kapwa at sa mga
bagay sa paligid natin.
“…nagtungo si Jesus sa isang
ilang na pook at nanalangin.”
“Kung hindi
namin isasara ang bintana ng aming kaluluwa sa pamamagitan
ng pagninilay, Ikaw, Panginoon, ay hindi namin makakapiling
tulad ng minsan ay ninanais ng Iyong pag-ibig. Ngunit
kapag naisantabi na namin ang lahat para makapiling ka
lamang, ayaw na naming bumalik pa dahil napakatamis ng
aming pakikipag-isa sa Iyo, at lahat ay lumilipas.
“Kami na tunay na nagmamahal sa Iyo
ay nakakaranas ng Iyong presensya, Panginoon, sa katahimikan
ng aming silid, sa pinakaibuturan ng aming puso. Kami
ay naaantig ng ganitong damdamin na parang hinipo mo kami.
Nagpapasalamat kami sa Iyo dahil naging malapit Ka, dahil
naging lahat Ka para sa amin, Ikaw ang nagbigay-halaga
sa aming buhay at kamatayan.
“Nagpapasalamat kami sa Iyo, ngunit
malimit ay hindi namin alam kung paano o ano ang sasabihin.
Alam lang namin na mahal na mahal Mo kami at mahal Ka
namin at walang higit na tatamis pa sa ganitong damdamin.
Kapag Ikaw ay nagpapakita, nararamdaman namin ang Langit
at sasabihin namin, “Kung ganito ang Langit, o napakaganda!
“Buong buhay kaming nagpapasalamt, Panginoon,
dahil dinala mo kami hanggang sa puntong ito. At kahit
mayroon pa ring anino na maaaring magpadilim ng aming
paraiso dito sa lupa, kapag ipinahayag Mo ang sarili mo,
lahat ng ibang bagay ay nawawalan ng halaga.
“Ikaw lang ang tanging mahalaga.
“Ikaw lamang.